Tatlong wanted ang magkakahiwalay na inaresto kahapon sa iba’t ibang bayan sa Palawan dahil sa mga kinasasangkutan na mga kaso na child abuse at qualified theft, kahapon, June 12.
Kinilala ang mga ito na sina Daniel Esgana Chavez, 40, at ang dalawang most wanted sa bayan ng Coron na sina Reynaldo De Joseph Camilla, 37, at Allan Biongan Abaca, 44.
Sa report ng Police Provincial Office (PPO) sa Palawan, sinabi nito sa pamamagitan ng tagapagsalita na si P/Maj. Ric Ramos na naaresto sa Sitio Abaca, Brgy. San Nicolas, Coron, si Camilla dahil sa tatlong kaso ng paglabag sa Republic Act 7610, o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Inaresto siya sa bisa ng warrant na ibinaba ni Judge Arnel P. Cezar ng Branch 163, Fourth Judicial Region, Regional Trial Court (RTC) na may petsang July 30, 2021. May P200,000 ang nakalaang piyansa na kailangan niyang ilagak sa bawat kaso para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Sa Sitio Buang, Brgy. San Nicolas, sa kaparehong bayan din inaresto si Abaca dahil sa kaparehong kaso. Ang pag-aresto ay sa bisa ng warrant na inisyu din ni Cezar noong May 17, 2022, na may inilaang P200,000 na piyansa para sa pansamantalang kalayaan.
Noong June 12 din naaresto si Chavez sa Sitio Bantayanan, Brgy. Lucbuan sa bayan ng Magsaysay, sa kasong qualified theft. Ang pag-aresto sa kanya ay sa bisa ng warrant na ibinaba ni Cesar noong February 26, 2019.
Nag-rekomenda ang korte ng halagang P40,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Ang mga naaresto ay nasa kustodiya ng mga police station na nasa mga nabanggit na bayan.
