Mga mug shot mula sa Palawan Police Provincial Office (PPO).

Inaresto sa magkakahiwalay na bayan sa Palawan ang tatlong indibidwal, kasama na ang No. 1 most wanted ng Iloilo City, dahil sa mga kinasasangkutan na kaso ng pamamahiya sa publiko at tangkang pananakit ayon sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004, attempted rape, at murder.

Ang mga inaresto noong Pebrero 18 ay sina Fernando Abian Nolasco, 40; Jeric Hida Magan, alyas Ric-Ric, 21; at si Ricky Dela Cruz Balquin, 47, ayon sa ulat ng Palawan Police Provincial Office (PPO) sa pamamagitan ng tagapagsalita nito na si P/Maj. Ric Ramos.

Unang naaresto si Nolasco sa Barangay Danleg sa bayan ng Dumaran dahil sa kasong paglabag sa mga na Section 5(b) at Section 5(j) ng Republic Act 9262, o Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004.

Siya ay dinakip sa bisa ng warrant na ibinaba ni Judge Emmanuel Q. Artazo, ang presiding judge ng Family Court ng Branch 14 sa Taytay, Palawan, na may petsa na Pebrero 9, 2022.

Ang mga nasabing section ng RA 9262 ay may kinalaman sa pananakot na saktan ang babae o bata, at mag-cause ng mental o emotional anguish, pamamahiya sa publiko sa bata o babae, at pagtanggi na magbigay ng pinansyal na suporta o kustodiya sa menor de edad.

Para sa pansamantala niyang kalayaan ay naglaan ang korte ng piyansa na nagkakahala ng P36,000 at P72,000 para sa dalawang paglabag sa VAWC.

Sa poblacion ng Taytay ay inaresto rin si Magan dahil sa kasong tangkang panggagahasa na paglabag sa Section 266-A ng Revised Penal Code (RPC). Inaresto siya sa bisa ng warrant na ibinaba rin ni Artazo na may petsa na Pebrero 9, 2022.

Maaaring maglagak ng piyansa na 120,000 si Magan para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Ang No. 1 most wanted naman ng Iloilo City na si Balquin ay naaresto rin sa kaparehong araw sa Barangay Bato-Bato, Narra, dahil sa kasong murder. Siya ay tubong Brgy. Agbatwan, Dumarao, Iloilo, ngunit nakatira na bago maaresto sa Purok Maunlad, Brgy. Plaridel, Aborlan, Palawan.

Inaresto si Balquin, sa bisa ng warrant na ibinaba ni Judge Rene S. Hortillo, assisting judge ng Branch 68 ng 6th Judicial Region sa P.D Monfort North, Dumangas, Iloilo, noong Oktubre 12, 2012. Walang inilaang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Previous articleTrike driver advocating anti-COVID vaccination earns rewards from city’s COVAC team
Next articleAksidente sa motorsiklo naitala sa Sofronio EspaƱola
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.