Tatlong lalaki ang dinakip ng awtoridad sa iba’t ibang operasyon sa Palawan sa loob ng dalawang araw dahil sa kasong acts of lasciviousness at paglabag sa Philippine Fisheries Code of 1998.
Naaresto diumano noong September 14 sa Barangay Danawan sa bayan ng Magsaysay ang suspek sa paglabag sa fisheries code o Republic Act 10654 na si Jomarie Viel Tiangco, 28, residente ng Wawa, Nasugbu, Batangas, sa bisa ng warrant na ibinaba sa kanya ni Judge Arnel Pecundo Cezar, presiding judge ng Branch 163 ng Regional Trial Court (RTC).
Ang warrant ay may petsa na June 7, 2021, para sa paglabag ni Tiangco sa Section 92 ng R.A. 10654 na may kinalaman sa “Fishing Through Explosives, Noxious or Poisonous Substance, or Electricity”. May inirekomenda na piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan na nagkakahalaga ng P60,000.
Nasa kustodiya siya ngayon ng Magsaysay Municipal Police Station (MPS).
Sa bayan naman ng Coron ay naaresto noong September 14 si Leonardo Cardenas, 44, isang magsasaka, dahil sa kasong acts of lasciviousness o Article 336 ng Revised Penal Code. Residente siya ng Brgy. Decalachao sa naturang bayan.
Nadakip siya sa bisa ng warrant na inisyu ni Judge Lovelle Moana Hitosis, presiding judge ng Municipal Circuit Trial Court (MCTC) Coron-Busuanga-Gaudencio E. Abordo na may petsang September 9, 2021.
Naglaan ang korte ng halagang P36,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan. Nasa kustodiya siya ng Coron MPS para sa kaukulang aksyon.
Noong September 15 naman ay inaresto din sa Brgy. Danawan sa bayan ng Magsaysay si Leonido Navarro, 33, residente rin ng Wawa, Nasugbu, Batangas dahil sa paglabag din sa R.A. 10654.
Tulad ng kay Tiangco, ang warrant ay ibinaba rin ni Judge Cezar noong June 7, 2021. Halagang P60,000 ang dapat niyang ipiyansa para makalaya pansamantala.
Nasa kustodiya rin siya ng Magsaysay MPS.
