Photo courtesy of Palawan PPO

Anim na indibidwal na itinuturing na wanted ang magkakasunod na inaresto sa iba’t ibang munisipyo sa Palawan dahil sa mga kasong kinakaharap na rape, murder, at paglabag sa Philippine Fisheries Code, araw ng Huwebes, Marso 31.

Ang mga inaresto ay sina Francis Paul Fortaleza Abonales, Renz Kevin Borja (alyas “Balot”), Jeffrey Ransang, Julius Fabraquil Oguis, Rafael Barroga Barrun, Rowel Dacomos dela Peña, at Lito Abad Delenia.

Unang naaresto ng mga personnel ng San Vicente Municipal Police Station (MPS) ang No. 9 most wanted ng MIMAROPA na si Abonales sa Sitio Gawid, Barangay Caruray sa naturang bayan dahil sa tatlong kaso ng rape na isinampa laban sa kanya ng dating karelasyon.

Ang warrant ay inisyu ni Judge Emmanuel Artazo ng Branch 14 (Family Court) ng Taytay, Palawan. Walang inilaang piyansa para sa pansamatala niyang kalayaan.

- Advertisement -

Sa Brgy. Liminangcong, Taytay, inaresto rin ang 23 anyos na si Borja Alias dahil sa lascivious act sa isang menor de-edad. Inaresto siya ng mga personnel ng Taytay MPS sa bisa ng warrant na ibinaba rin ni Artazo dahil sa kanyang paglabag sa Section 5(B) ng Republic Act 7610 o “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”

Maaari siyang pansamantalang makalaya kung maglalagak ng piyansa na aabot sa P200,000.

Sa Brgy. Tarusan naman sa bayan ng Bataraza naaresto si Ransang dahil sa kasong rape. Siya ay sinasabing No. 1 most wanted sa naturang bayan. Ang warrant para siya hulihin ay ibinaba ni Judge Ramon Chito Mendoza, presiding judge ng Branch 165 sa Brooke’s Point, na may petsang Enero 17, 2019.

Walang inilaan na piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Hawak na din ng Quezon MPS si Oguis na akusado sa panggagahasa matapos siyang maaaresto sa Brgy. Alfonso XIII sa nasabing bayan. Walang nakalaang piyansa para sa kanya base sa kautusan ng korte at ng warrant na inisyu ni Mendoza noong Marso 19, 2022.

Si Barrun naman ay dinakip dahil sa kasong murder, base sa warrant na inisyu pa rin ni Mendoza na may petsang Marso 30, 2022. Walang inilaang piyansa para siya pansamantalang makalaya habang dinidinig ang kanyang kaso.

Samantala, sa Brgy. Pulot Shore, Sofronio Española, arestado din sina Dela Peña at Delenia dahil sa paglabag sa Section 92 ng Republic Act 10654, o ang Philippine Fisheries Code.

Inaresto ang dalawa nang pinagsanib na pwersa ng Sofronio Española MPS, 1st PPMFC, PIU, RIU 4B MIMAROPA sa bisa ng warrant na ibinaba ni Mendoza na may petsang Marso 23, 2022.

P60,000 ang nakalaang piyansa para pansamantalang kalayaan ng dalawa.

Previous articleListen to your body, ROH tells Palaweño women
Next articleHyun Bin and Son Ye Jin are finally married!
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.