Limang kalalakihan na wanted sa batas ang naaresto ng awtoridad sa Puerto Princesa at iba’t ibang munisipyo sa Palawan dahil sa mga kasong child abuse at iligal na pagsusugal simula noong Enero 19 hanggang Enero 21, ayon sa Police Provincial Office (PPO).

Ang mga inaresto ay sina Jhuben Española, Ryan Radam, Sonny Cervantes, Jhon Delbert Villanueva, at Rodelio Bulanon, na ayon sa PPO ay itinuturing na wanted dahil sa mga kinasasangkutan na kaso.

Unang naaresto si Española, 31, residente ng Sitio Batas, Barangay Poblacion, Taytay, noong Enero 19, 2022.

Itinuturing na Rank No. 30 wanted municipal wide, inaresto si Española sa Brgy. Bancao-Bancao sa lungsod ng Puerto Princesa ng operatiba ng Taytay Municipal Police Station (MPS) dahil sa kasong paglabag sa Section 10 (a) ng Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act o Anti Child Abuse Law.

Ang warrant para sa pagdakip sa kanya ay ibinaba noong Oktubre 15, 2021, ni Judge Emmanuel Artazo ng Branch 14, Family Court ng Regional Trial Court (RTC) sa Taytay, Palawan.

Maaari siyang makalaya pansamantala kung maglalagak ng P80,000 na piyansa sa korte. Ayon sa PPO, siya ay nasa kustodiya ng Taytay MPS.

Isa pang naaaresto noong Enero 21, 2022, dahil sa kaparehong kaso ay si Radam, 27, residente ng Purok Matagumpay, Brgy. New Agutaya sa bayan ng San Vicente. Nadakip siya sa nasabing barangay ng San Vicente MPS, 2nd PPMFC, at PHPT-Palawan sa bisa ng warrant na ibinaba din ni Artazo.

Nasa P80,000 din na halaga ng piyansa ang kanyang dapat ilagak sa korte kung ibig niya na pansamantalang makalaya. Nasa kustodiya siya ngayon ng San Vicente MPS.

Noong Enero 21 ay naaaresto sa Tambakan, Brgy. II (Poblacion), Coron, si Cervantes na 52 taong gulang, at residente ng nasabi din na lugar dahil sa paglabag sa Presidential Decree 449 (Cockfighting Law of 1974) na may kaugnayan sa Presidential Decree 1602 na nagtatalaga ng mahigpit na parusa sa iligal na pagsusugal.

Inaresto siya ng Coron MPS, Provincial Highway Patrol Team-Palawan, at 401stB MC ng RMFB4B dahil sa warrant na ibinaba noong Enero 17 ni Judge Arnel Cesar ng Branch 163, Fourth Judicial Region ng RTC sa Coron, Palawan. Mayroong inilaan na P30,000 na piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Kaparehong kaso din ang hinaharap ng mangingisda na si Villanueva, 21, na naaresto sa kapareho rin na araw sa Brgy. Culasian, Dumaran.

Inaresto siya sa pamamagitan ng warrant na ibinaba ni Judge Lucena Dacuan 5th Municipal Circuit Trial Court (MCTC) noong Disyembre 29, 2021. Ang nakalaang piyansa ay P30,000 din.

Dahil pa rin sa iligal na sabong ay naaresto din noong Enero 21 si Bulanon sa Brgy. III (Poblacion), Coron, dahil sa ibinabang warrant ni Cesar noong Enero 17. Ang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya ay P30,000.

Previous articleFreebies, discounts, and more: Celebrate Chinese New Year with SM’s lucky deals
Next articleKaso ng COVID-19 muling tumataas sa bayan ng Brooke’s Point
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.