Inaresto ng awtoridad sa Palawan ang tatlong lalaki sa magkakahiwalay na araw simula noong Enero 9 dahil sa mga kinasasangkutang kaso na panggagahasa at paglabag sa Chainsaw Act of 2002 sa mga bayan ng Bataraza, Taytay, at Balabac.

Unang naaresto noong Enero 9 ang laborer na si Amal Basanon Upping, 33, nakatira sa Sitio Proper, Barangay Taratak, Bataraza, kung saan din siya naaresto dahil sa paglabag sa Chainsaw Act of 2002, o Republic Act 9175.

Ang pagdakip sa kanya ay sa ilalim ng bisa ng warrant na may petsang Abril 12, 2021, na ibinaba ni Judge Ramon Chito Mendoza ng Branch 165 ng Regional Trial Court (RTC) sa Brooke’s Point.

Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa kustodiya siya ng Bataraza Municipal Police Station (MPS). Maaari siyang makalaya pansamantala kung maglalagak ng piyansa na nagkakahalaga ng P48,000.

- Advertisement -

Noong Enero 12 naman ay dinakip ng awtoridad sa Brgy. Poblacion sa bayan ng Taytay ang itinuturing na No. 7 most wanted sa provincial level ang mangingisda na si Rene Bengona Aguilar, Jr., nasa hustong taong gulang, dahil sa kasong statutory rape o paglabag sa Article 266-A ng Revised Penal Code.

Si Aguilar na residente ng Brgy. Casian sa natura din na bayan, ay dinakip sa bisa ng warrant na ibinaba Judge Emmanuel Q. Artazo ng Branch 14 Family Court ng RTC ng Taytay na may petsa na Setyembre 15, 2021.

Walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan. Nasa kustodiya siya ngayon ng Taytay MPS.

Inaresto rin noong Enero 12, 2022, ang 60 taong gulang na si Benzali Maulod sa Brgy. Indalawan, Balabac, dahil sa paglabag sa Section 7 ng Republic Act 9175 o Chainsaw Act of 2002.

Ang warrant para siya dakipin ay ibinaba noong Nobyembre 24, 2016, ni Judge Ambrosio de Luna bago ito sumakabilang buhay. Mayroong inilaan na P16,000 na piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Nasa kustodiya na siya ng Balabac MPS.

Previous articlePartly cloudy to cloudy skies with a chance of light rains over Palawan due to ‘amihan’
Next articleDOH, DTI set purchase limits on over-the-counter flu medicines
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.