[UPDATED] Nadakip ng awtoridad ang apat na wanted sa batas sa magkakahiwalay na operasyon sa Lungsod ng Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan, araw ng Martes (Setyembre 7) at Miyerkules (Setyembre 8).

Nadakip ng Police Station 2 si Junel Basa, 40 taong gulang, sa Caimito Road, Barangay San Jose, bandang alas 4.

Si Basa naman ay dinakip sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Daniel Antonio Gerardo B. Anular, Jr. ng Regional Trial Court Branch 66 ng Barotac Viejo, Iloilo para sa kasong frustrated murder with attempted murder na may petsang February 7, 2008, at may nakalaang piyansa na nagkakahalaga ng P200,000.

Sa bayan ng Culion, inaresto rin ng awtoridad ang dalawang lalaking wanted sa kasong illegal logging sa Sitio Bernabe, Barangay Osmeña, araw ng Martes, Setyembre 7.

- Advertisement -

Ang mga suspek na kinilalang sina Ronie Mingulo, 25, at Aljon Villanueva, 24, ay inaresto sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Perly Anne A. Po ng Municipal Trial Court ng Culion, na may petsang September 3, 2021, sa kasong paglabag sa Section 77 ng Presidential Decree 705 at may nakalaang piyansa na nagkakahalaga ng P18,000 bawat isa para sa kanilang pansamantalang kalayaan.

Ngayong araw naman ng Miyerkules ay dinakip ng awtoridad ang isang lalaking wanted sa kasong frustrated homicide sa Barangay Poblacion sa bayan ng Taytay.

Ang suspek na kinilalang si Mateo Delos Santos Dumol, 59, ay inaresto sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Anna Leah Y. Tiongson-Mendoza ng Regional Trial Court Branch 164 sa bayan ng Roxas na may petsang August 4, 2021.

Naglaan ang korte ng halagang P72,000 para sa pansamantalang kalayaan ng suspek na ngayon ay nananatili sa kustodiya ng Taytay Municipal Police Station.

Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa himpilan ng pulisiya na umaresto sa kanila para sa kaukulang disposisyon.

Previous articleSoutheast Asian box turtle, preserved bird turned over to PCSDS
Next articleGrupo ng sabungero sa Española pinagkalooban ng special permit para sa e-sabong
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.