Arestado ang limang indibidwal sa iba’t ibang munisipyo sa Palawan dahil sa paglabag sa anti-illegal gambling law na may kinalaman sa operasyon ng Peryahan ng Bayan na hanggang ngayon ay suspendido.

Ang mga lumabag ay kinilala sa mga spot report na inilabas ng Police Provincial Office (PPO) bilang sina Jessa Barison Billite, 28; Zenaida Bocak Mahilum, 51; Romnick Jaro Pelar, 31; Benmax Bayatan Dualdin, 25; at Jayson Laurencio Fabian, 31.

Unang naaresto sina Billite, na sinasabing teller at cashier ng Peryahan ng Bayan, at si Mahilum, noong hapon ng Mayo 21 sa national highway ng Purok Lerio sa Barangay Alfonso XIII sa bayan ng Quezon dahil sa paglabag sa Presidential Decree 1602.

Nakumpiska mula sa kanila ang ilang mga illegal gambling paraphernalia tulad ng bet coin, panaya na pera, cellphone, receipt tickets, Peryahan ng Bayan booth, at iba pa.

Noong nasabing araw din ay naaresto bandang 3:30 ng hapon si Pelar sa Sitio Marikit, Barangay San Juan, Aborlan dahil sa paglabag sa anti-illegal gambling law sa pamamagitan ng thrown coin scheme sa Peryahan ng Bayan.

Ayon sa isang nagpanggap na bettor ng Aborlan Municipal Police Station (MPS), nakataya siya ng P20 kay Pelar na kumpirmadong encoded sa point of sale machine. Nakumpiskahan din siya ng iba pang gamit na may kinalaman sa ilegal na pagsusugal.

Si Dualdin ay hinuli dahil sa illegal numbers game bandang alas kwatro ng hapon sa national highway sa Brgy. Marangas sa Bataraza kasama ang kanyang live-in partner na hindi na pinangalanan.

Siya ay inaresto matapos isumbong ng isang concerned citizen sa Bataraza MPS. Agad na nagsagawa ng operasyon ang mga pulis na nagresulta sa kanyang pagkakadakip. Nakuhanan din siya ng mga materyales na gamit sa illegal gambling.

Sa bayan naman ng Brooke’s Point sa Brgy. Pangobilian naaresto si Fabian bandang 12:45 ng hapon. Kinilala siya bilang empleyado ng isang Peryahan ng Bayan at nadakip sa joint operation ng Brooke’s Point MPS at personnel ng Provincial Intelligence Unit ng PPO.

Ang lima ay nakatakdang harapin ang mga kaso dahil sa kanilang paglabag sa PD 1602.

Previous articleCity council backs Dr. Ramon Docto’s reappointment as PSU president
Next articlePuerto Princesa to resume cruise tourism operations