Apat na itinuturing na wanted sa Palawan ang inaresto ng awtoridad sa magkakaibang bayan simula Marso 17 hanggang Marso 23 dahil sa mga hinaharap na kasong murder, patutulak ng ilegal na droga, homicide at panggagahasa.
Ang mga inaresto ay sina Melvin Dulce Tagle, 45, magsasaka; Edmar Lacson Reyes, 30, mangingisda; Marco Ruego, 30, mangingisda; at Frederick Disamparo Magbanua, 42.
Unang naaresto si Tagle noong Marso 17 sa Sitio Panamin, Barangay Caruray, San Vicente, sa bisa ng warrant na inisyu ni Judge Angelo Arizala ng Branch 52 ng Regional Trial Court (RTC) sa Palawan dahil sa kasong pagpatay. Ang warrant ay may petsa na Pebrero 15, 2012.
Walang inirekomenda na piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Noong Marso 18 ay inaresto naman si Reyes sa Brgy. Tiniguiban dito sa Puerto Princesa dahil sa kasong homicide. Ang warrant ay inisyu para siya arestuhin ni Judge Anna Leah Y. Tiongson-Mendoza ng Branch 164 ng RTC sa Roxas, Palawan, sa na may petsang Pebrero 24, 2022.
Naglaan ang korte ng piyansa na nagkakahalaga ng P120,000 upang siya ay pansamantalang makalaya.
Si Ruego ay pangatlo sa naaresto sa buy-bust laban sa ilegal na droga noong Marso 18 sa Brgy. Liminangcong sa bayan ng Taytay. Narekober mula sa kanya ang dalawang heat-sealed sachet ng pinaghihinalaang shabu.
Marso 23 naman naaresto si Magbanua na itinuturing No. 1 most wanted person sa Brgy. Tinintinan sa bayan ng Araceli dahil sa kasong panggagahasa. Ang warrant para siya arestuhin ay ibinaba ni Judge Leopoldo Mario Legazpi ng Branch 49 ng RTC noong Pebrero 9, 2010. Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.



