Walong indibidwal ang inaresto sa Palawan dahil sa iba’t ibang kaso na kinasasangkutan kabilang na ang illegal gambling, pagnanakaw, falsification of public document, panggagahasa, child abuse, at carnapping, simula noong Mayo 30 hanggang Mayo 31.
Sa mga ulat na ibinahagi ng Police Provincial Office (PPO) sa Palawan sa pamumuno ni P/Col. Adonis Guzman, ang mga inaresto ay kinilala na sina Jonathan Mendoza Valencia, 43, residente ng Narra; Edwin Quezon Raya, 24, residente ng El Nido; Joseph Manjong Alih, 25, residente ng Rizal; Kenneth Guardiano Dela Rosa, 27, residente ng Taytay; Fernando Abian Nolasco, 40, residente ng Dumaran; Henry Premacio Sadang Jr, 41, residente ng Coron; Anthony Francisco Luzara, 27, residente ng Quezon; at Romeo Tokoyo Corpuz, 39, residente rin ng Quezon.
Si Valencia na sinasabing isang teller, ay naaresto ng mga personnel ng Narra Municipal Police Station (MPS) sa Barangay Poblacion, Taytay dahil sa halagang P20 na marked money na itinaya ng nagpanggap na bettor.
Ayon sa pulisya, ang kanyang pagpapataya ay labag sa Presidential Decree (PD) 1602 na may kinalaman sa ilegal na pagsusugal. Nakuha sa kanya ang isang point of sale machine, thermal paper, Global Tech Mobile Online Corp. betting receipt, mga pera, at iba pa.
Si Raya naman ay inaresto ng mga personnel ng Taytay MPS at iba pang law enforcement units noong Mayo 30 sa Brgy. Poblacion, Taytay rin dahil sa mga kasong panggagahasa at pagnanakaw.
Ayon sa PPO, dalawang ang warrant of arrest na inisyu para siya ay hulihin, at ang una ay inilabas noong Enero 5, 2021, ni Judge Ronilo Beronio ng MCTC Fourth Judicial Region Roxas-Cagayancillo para sa kasong pagnanakaw. Pinayagan siya na maglaan ng P15,000 na piyansa para sa hinaharap na kaso.
Ang pangalawa ay may petsa na Hulyo 24, 2019 na inisyu ni Judge Emmanuel Artazo ng Branch 14, Family Court sa Taytay dahil sa kasong panggagahasa, ngunit wala itong piyansa.
Si Alih na isang mangingisda ay inaresto naman noong Mayo 30 sa Purok Bakaw-Bakaw, Brgy. Latud sa bayan ng Rizal dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 7610, o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Inilabas ni Judge Ramon Chito Mendoza ng ng Branch 165, Fourth Judicial Region sa Brookes Point ang kanyang warrant of arrest noong Mayo 16, 2022. Pinapayagan siyang magbayad ng piyansa na may halagang P80,000.
Nang nasabing araw rin naaresto sa Brgy. Poblacion, Taytay si Dela Rosa dahil sa kasong falsification of public document sa ilalim ng Article 172, No. 1 in relation sa Article 171, No. 1 ng Revised Penal Code (RPC) na inamyendahan ng Section 26 ng RA 10951.
Ang warrant para sa pag-aresto sa kanya ay ibinaba ni Judge Annah Leah Tiongson-Mendoza noong Mayo 27, 2022. Nagkakahalaga ng P72,000 ang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Arestado rin ang magsasaka na si Nolasco sa kaparehong araw sa Sitio Alimoto, Brgy. Santa Teresita, Dumaran, dahil sa hinaharap na kaso nang paglabag sa Section 5(I) ng RA 9262. Ang warrant ay nilabas ni Judge Artazo noong Mayo 24, 2022.
Ang nakalaang piyansa parsa sa kanyang pansamantalang paglaya ay P72,000.
Si Sadang naman ay nang nasabi rin na araw naaresto sa Brgy. Bintuan, Coron, dahil sa kasong paglabag sa RA 10883, ang New Anti-Carnapping Law. Ang warrant ay inilabas ni Judge Arnel Cesar noong Hulyo 29, 2021. Ang piyansa ay itinalaga sa halagang P300,000.
Sa Sitio Matugbong sa Brgy. Isugod sa Quezon ay inaresto noong Mayo 31 si Luzara, isang magsasaka, dahil sa kasong two counts nang panggagahasa.
Ang warrant na may petsang Enero 18, 2013, ay ibinaba ni Judge Jose Bayani Usman ng Branch 50, Family Court ng RTC. Walang inirekomendang piyansa ang korte sa kanyang kaso.
Ang suspek naman na si Corpuz ay inaresto noong Mayo 31 din sa Sitio Balintang, Brgy. Isugod sa Quezon dahil sa attempted homicide. Ang warrant ay inilabas noong Marso 14, 2022, ni Judge Rohima Sarra ng Branch 2 ng Municipal Court in Cities, Fourth Judicial Region sa Puerto Princesa City, na nagrekomenda ng piyansa na P36,000.
