Anim na kalalakihan na wanted sa iba’t ibang kaso gaya ng rape, reckless imprudence resulting in homicide, paglabag sa Forestry Reform Code, cattle rustling, at paglabag sa Chainsaw Act ang inaresto ng awtoridad sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigan ng Palawan noong Enero 13 at Enero 16.

Sa ulat ng Palawan Provincial Police Office (PPO) sa pamamagitan ng tagapagsalita nito na si Ric Ramos, unang inaresto si Ramil Gregas Busaing, alyas Ramel Grigas Busaing, 35, sa Sitio Crasher, Barangay Malatgao sa bayan ng Quezon noong Enero 13 dahil sa three counts ng kasong statutory rape by sexual assault sa ilalim ng Article 266-A, Paragraph 2, ng Revised Penal Code.

Siya ay nadakip matapos magsagawa ng joint operation ang operatiba ng Quezon Municipal Police Station (MPS), mga personnel ng Regional Special Concern Group (RSCG), PIU at PIDMU sa bisa ng warrant na ibinaba noong Disyembre 9, 2021, ni Judge Jocelyn Sundiang Dilig ng Branch 47 ng Fourth Judicial Region.

Nasa kustodiya ng Quezon MPS ngayon si Busaing, at maaaring pansamantalang makalaya kung maglalagak ng piyansang P200,000 para sa bawat kaso.

Enero 13 din ng maaresto sa Brgy. Pangobilian, Brooke’s Point, ang magsasaka na si Ruel Angkik Gatusan, 30, dahil sa paglabag sa Section 77 ng Presidential Decree 70 o Forestry Reform Code of the Philippines.

Itinuring siyang wanted matapos mag-isyu si Judge Evelyn Cañete ng Municipal Circuit Trial Court (MCTC) ng warrant of arrest of noong Disyembre 16, 2021. Nasa kustodiya siya ngayon ng Brooke’s Point MPS at maaaring makalabas pansamantala kung maglalagak ng piyansa na P30,000.

Sa nasabing petsa pa rin ay naaresto sa Brgy. 2 sa bayan naman ng Roxas ang wanted na si Orly Elijan Magbanua, 23, na isang grocery bagger. Siya ay dinakip matapos magsagawa ng joint operation ang mga operatiba ng Roxas MPS at personnel ng 2nd PPMFC at PHPT-Palawan sa bisa ng warrant na inilabas noong Disyembre 17, 2020, ni Judge Ronilo Beronio ng MCTC ng Roxas at Cagayancillo.

Ang kanyang kaso ay reckless imprudence na nagresulta ng homicide at slight physical injury at damage to property. Nasa kustodiya siya ngayon ng Roxas MPS at maaaring pansamantalang makalabas kung makakapaglagak ng piyansa na P60,000.

Arestado rin sa kaparehong araw ang No. 8 most wanted sa municipal level na si Artemio Bastian Magallanes, alyas Otoy, 61, isang magsasaka, sa Natutungan, Brgy. Quinlogan, Quezon, dahil sa kasong paglabag din sa Forestry Reform Code.

Nadakip siya sa joint operation ng RPDEU/RSCG at mga personnel ng Quezon MPS, CIDG Palawan PFU, PIU, at POP TF dahil sa bisa ng warrant na inisyu ni Judge Ramon Chito R. Mendoza ng Branch 165, Fourth Judicial Region ng Regional Trial Court.

Ang warrant ay may petsa na Setyembre 9, 2021. Maaari siyang pansamantalang makalaya kung maglalagak ng piyansa na P120,000.

Sa Brgy. Antipuluan sa bayan naman ng Narra naaresto rin noong Enero 13 si Isagani Magbanua Francisco, 38, dahil sa paglabag sa Anti-Cattle Rustling Law of 1974 o PD 533.

Ang warrant para sa pag-aresto sa kanya ay ibinaba noong Oktubre 1, 2021, ni Judge Paz Soledad B. Rodriguez-Cayetano ng Branch 49 ng RTC. May inilaang P108,000 na piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Siya ay nasa kustodiya ngayon ng CIDG Palawan PFU.

Enero 16 naman naaaresto ang magsasaka na si Ebu Dorodioc Usan, 51, sa Sitio Kambinging, Brgy. Malihud, Bataraza, dahil sa kasong paglaban sa Chainsaw Act of 2002 o Republic Act 9175.

Ang warrant ay ibinaba para siya maaresto ni Judge Evelyn C. Cañete ng MCTC Brookes Point noong Enero 27, 2020. Maaari siyang makalaya pansamantala kung maglalagak ng piyansa na P36,000.

About Post Author

Previous articleGame-changing structural reforms crucial to sustain post-pandemic recovery
Next articleDTI, PhilDev launch new programs ‘IDEA’ and ‘ADVanCE’ to further stimulate Startup Growth