Photo from Police Provincial Office (PPO)

Tatlong indibidwal ang inaresto ng awtoridad sa magkakaibang munisipyo sa Palawan dahil sila ay mga akusado sa mga kasong murder, frustrated murder, at paglabag sa batas laban sa illegal numbers game kahapon, Mayo 23.

Ang mga inaresto ay sina Alexander Barrientos Delos Santos, 42, sa bayan ng Brooke’s Point; Dexter James Lamayo Pumicpic, Jr., alyas James, 43, sa Quezon; at Salve Lopez Pentior, 36, sa Taytay, ayon sa mga spot report na ibinahagi ng Police Provincial Office (PPO) sa pamamagitan ni P/Maj. Ric Ramos.

Si Delos Santos, na itinuturing na No. 2 most wanted person sa municipal level, ay dinakip sa Barangay Tubtub sa Brooke’s Point dahil sa kasong frustrated murder.

Ang pag-aresto ay sa bisa ng warrant na ibinaba ni Judge. Adelardo S. Escoses ng Branch 51 ng Palawan Regional Trial Court (RTC) sa Puerto Princesa City na may petsa na Marso 17, 2000.

Ang korte ay naglaan ng piyansa na P200,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan habang dinidinig ang kanyang kaso.

Si Pumicpic, na isang mangingisda na taga Brgy. Bancao-Bancao, ay hinuli sa Brgy. Alfonso XIII sa bayan ng Quezon dahil sa kasong murder sa pamamagitan ng paggamit ng hindi lisensyadong baril. Walang inirekomenda na piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Siya ay inaresto sa bisa ng warrant na ibinaba ni Judge Paz Solidad B. Rodriguez-Cayetano ng Branch 49 ng RTC sa Puerto Princesa na may petsang Setyembre 1, 2020.

Dahil naman sa illegal numbers game sa ilalim ng Republic Act 9287 kaya naaresto si Pentior sa Brgy. Poblacion sa munisipyo ng Taytay. Naaktuhan siyang nangongolekta ng taya, ayon sa spot report ng PPO.

Nakumpiska mula sa kanya ang mga materyales na ginagamit sa ilegal na pagsusugal tulad ng point of sale machine, blank receipt, at iba pa.

Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa kustodiya pa ng mga municipal police station ang tatlong inaresto.

About Post Author

Previous articleAn Open Letter to Governor-Elect Dennis M. Socrates
Next articleDOH MIMAROPA: Nothing to worry yet about monkeypox disease
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.