(Photos courtesy of PDEA)

Simula pagpasok ng 2022, nakapagtala na ng apat na magkakasunod na operasyon kontra droga ang Police Provincial Office (PPO) sa pamamagitan ng “interdiction of mail and parcel” sa mga courier service sa lalawigan.

Ayon kay police provincial director P/Col. Adonis Guzman, bagama’t hindi nila saklaw ang mga operasyon para masabat ang mga pinadadala at pinadadaan na ilegal na droga sa pamamagitan ng courier company ay patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga ito para sa ikadarakip ng mga sangkot.

Sa talaan ng PPPO, mula Enero ngayong taon ay nakapagtala na sila ng isang kaso ng pagkakasabat ng ilegal na droga sa bayan ng Narra at tatlong magkakasunod sa bayan ng Roxas.

Naitala ang unang kaso noong Enero 7 nang maaresto ng awtoridad sa isang buy-bust operation si Rodolfo Medriano na katatanggap lang ng padalang humigit-kumulang 120 gramo ng pinaghihinalaang shabu sa bayan ng Narra.

- Advertisement -

Pebrero 11 naman ng isang parcel na nakapangalan kay Norvin Sobrepena Eleazar na naglalaman ng isang kilong marijuanan ang naharang ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Roxas Municipal Police Station (MPS). Si Eleazar ay dati nang in-operate ng Roxas MPS sa isang buy-bust operation ngunit nakatakas, habang naaresto naman ang 19 taong gulang na kapatid niyang si Keyvin.

Marso 19 nang muling makasabat ang pinasanib na pwersa ng PDEA at Roxas MPS ng humigit-kumulang 215 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana sa nasabing bayan. Ipinadala ito mula sa lungsod ng Makati ng isang Paolo Bautista na naka-addres kay Dodjie Madamay ng Barangay 2.

Nitong Marso 22 ay nasabat din ng PDEA at Roxas MPS ang isa pang parcel na naglalaman ng marijuana mula pa rin kay Bautista na nanggaling naman sa lungsod ng Taguig.

Pahayag ni Guzman, hindi magkakaugnay ang mga nasabing mga padala, maliban sa dalawang huling magkasunod na naitala sa bayan ng Roxas.

“Itong March 19 at 22, iisa lang ang nagpadala, sa magkaibang lugar,” ani Guzman.

“Hindi namin saklaw ang operasyon ng mga courier services, kaya ang ginagawa namin para matigil ang ganitong modus at mahuli ang mga nagpapadala, nakikipag-ugnayan kami sa pamunuan ng mga company na ito at nirerekomenda naming na paigtingin nila ang kanilang screening sa mga padalang parcel bago nila tanggapin ito at kung mayroon silang makitang mga ganitong padala, ipagbigay alam agad sa awtoridad para mahuli on the spot,” paliwanag niya.

Ayon sa ipinadalang video ng PDEA sa Palawan News, sinabi ni Roxas MPS chief P/Maj. Carlito Valdez na ang nasabing parcel ay ipinadala ni Bautista at naka-address sa isang Mike Lourence Paredes sa Purok Republic, Barangay 4 ng nasabing bayan.

Matatandaan na Enero ng taong 2021 ay una na nang sinabi ng PDEA na nakipag-ugnayan na sila at ang PNP sa mga courrier company sa lalawigan. Ito ay matapos na maaresto sa mga operasyon noong taong 2020 kung saan, karamihan sa mga nahuling iligal na droga mula sa labas ng lalawigan ay ipinapadala sa pamamagitan ng mga courier.

Previous articleRenewable energy facility to be set up in Aborlan
Next articleGood weather over Palawan despite localized thunderstorms
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.