(Updated 7:41 p.m.) Nagtalaga ng tinatawag na flower hub para sa mga plantito at plantita sa bayan ng Brooke’s Point ang Municipal Tourism Office (MTO) para magkaroon ang mga ito ng lugar sa “Tabuan” kung saan sila puwedeng magtinda ng halaman araw-araw.
Ang flower hub ay iminungkahi ni municipal councilor Ton Abengoza sa nasabing MTO para mabigyan ng espasyo o isang lugar ang mga nagtitinda ng halaman na nasa kani-kanilang mga ginawang kubo o stall.
Ang flower hub ay opisyal ng pinasinayaan ng MTO at ng pamahalaan ng Brooke’s Point sa pangunguna ni mayor Mary Jean Feliciano noong December 19 na inilagay sa Rotonda Corner sa Barangay Pangobilian.

Sa panayam kay tourism officer Arlene Piramide noong Miyerkules, sinabi nito na libre ang pagtatayo ng mga nagnananais na maglagay ng kanilang kubo na lalagyan ng mga halaman para ibenta.
“Napapanahon ang paghahalaman talaga ngayon habang nasa gitna ng pandemya tayo at kailangan nating suportahan ang mga nagtitinda o nagbebenta ng halaman that is why binigyan natin sila ng isang lugar lang na dito na sila mananatiling mag-benta sa mga ginawa nilang kubo,” sabi ni Piramide.
“Kasi kapag market day, isang araw lang yon pero ito mare-recognize sila ng mga kababayan natin araw-araw dahil nandiyan na sila sa isang lugar, kaya nag-allocate na tayo ng isang lugar para maging plantitos at plantitas hub natin sa Brooke’s Point,” dagdag niya.
Sa kasalukuyan, mayroong nasa apat-napung mga nagmamay-ari ng halamanan ang naglagay ng kanilang mga kubo para sa pagbebenta.
“Pinaplano natin na by 2021 next year, ang ating LGU na po ay nagpapalano din na magpagawa na ng mga konkretong mga stall sa area at ipapagamit na din sa kanila,” sabi ni Piramide.