Mon. Jan 20th, 2020

Pitong bahay, nasunog sa isang isla sa Balabac

(Contributed photo)

Pitong pamilya ang nawalan ng mga bahay dahil sa sunog na naganap sa Pandanan Island sa Balabac bandang alas tres ng madaling araw ng Biyernes.

Ayon kay Senior Fire Officer 2 Ramon Olorga ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa bayan ng Balabac, naganap ang sunong sa Sityo Malinsuno, Pandanan Island, na naging dahilan ng pagkatupok ng mga bahay ng 30 residente.

Isang residente naman na nagngangalan na Chrisanto Tesorio, 40 anyos, ang agad na nilapatan ng paunang lunas dahil sa tinamo nitong lapnos sa kanang kamay habang tumutulong sa mga pamilyang apektado para lumikas.

“Bale pitong pamilya o 30 heads ang nawalan ng tahanan at nag-evacuate dito sa barangay hall. Isa naman ang naitalang napinsala na nagtamo ng first degree burn sa kamay at ginagamot ngayon,” sabi ni Olorga.

Nagsimula umano ang sunog sa kooperatiba ng SLP Balabac DSWD na may pangalang SEA-K cooperative ganap na ala-una ng madaling araw kanina at mabilis na kumalat sa kabahayan dahil sa magkakadikit ang mga bahay sa lugar.

Nahirapan ang mga residenteng patayin ang apoy dahil sa pagputok ng tindang gasolina ng kooperatiba na siya ring grocery dito kung kaya halos mag-iikaapat na ng umaga bago ito naapula.

“Ala una po ng madaling araw nang magsimula ang sunog. Nahirapan kaming patayin ang apoy kasi malakas dahil sa gasolina. Nasa isla po kasi kami dito at medyo malayo po sa mainland ng Balabac kaya mahirap din makarating ang bumbero sa amin,” ayon naman kay Analyn Cuanan, ang presidente ng kooperatiba at residente sa lugar.

Tinatayang nasa mahigit isang milyon ang tinupok na ari-arian, pero kukumpirmahin pa ito, ayon kay Olorga.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry