Thu. Nov 21st, 2019

Pisikal na anyo, naging hadlang kay Nancy Navalta sa sports

Pisikal na anyo ang naging hadlang para mamayagpag sa larangan ng sports si Nancy Navalta.

Si Nancy ay tubong Pangasinan at sa edad na disiotso ay sumabak na ito sa larangan ng sports.

Dalawampu’t limang taong gulang naman siya ng makilala sa mundo ng track and field na siyang naging dahilan kung bakit siya tinagurian bilang “legendary” matapos maungusan ang mga record ni Lydia de Vega.

Hindi nagkaroon ng pormal na training si Nancy sa track and field. Ang tangi niyang pagsasanay ay ang pagtakbo-takbo sa tabing dagat pasan-pasan ang sakong puno ng bato sa kanyang noon ay manipis pang balikat.

Sa kanyang pagkapanalo, napasama si Nancy sa ilang mga national training programs kaya tinarget niya rin ang Atlanta Olympics pero siya ay nabigo.

“Actually, papunta sana kami sa Atlanta Olympics but just because of gender verification kaya nagkaroon ng issue,” kuwento niya.

Sa kabila ng pagiging mabilis at bago pa lang sa larangan ng track and field, namuo ang hinala na si Nancy ay lalaki dahil sa kanyang “flat chest, muscled physique, at wispy mustache”.

“Ang sabi nila kasi noon wala akong hawak na proof. ‘Yan ang sabi ng Philippine Sports Commission (PSC), Sports and Medicine — ganoon nga, mas malakas ang male hormones ko. Binasehan nila ang physical features,” sabi ni Nancy.

“Pero makikita mo naman ang ibang participants sa bansa mas malalaki ang mga katawan nila,” dagdag pa niya.

Napatunayan naman ni Nancy na siya ay babae nang ipakita ang birth certificate.

Sabi niya, simula pagkabata ay nagbubuhat na siya ng mga bato dahil ito ang pinagkakakitaan ng pamilya kaya natural lang na ma-develop ang kanyang mga muscles.

“Napatunayan ko naman na babae ako sa birth certificate ko from pagkabata ko. Siguro sa amin, nagbubuhat kami ng bato, ‘yon kasi ang hanap-buhay sa amin kaya na well-develop ang mga muscles ko. Naging masculine ako,” dagdag na pahayag ni Nancy.

Si Nancy ay unang naglaro sa Iloilo taong 1991 pero natalo ito. Noong 1992 ay nasundan pa ito, pero nagtuloy-tuloy na ang kanyang swerte sa sports.

Ang nakikitang dahilan ni Navalta sa petisyon mula sa kanyang mga kalaban noon ay ang maungusan ang mga kilalang atleta sa larangan.

“Si Elma Muros walang problema kasi ganoon din ang hitsura niya sa akin. Ang ano lang sa akin si Lydia kasi ayaw niya masapawan ang record niya. Siyempre record niya ‘yon. Sa Palarong Pambansa, natatalo ko sila sa records mula 1992 hanggang 1994, at sa slot ng Philippine National Team, tinalo ko sila. Pero noong 1991 natalo ako sa Iloilo wala namang protest. Pero noong nanalo na ako may protesta na,” sabi niya.

Kuwento ni Nancy, kapag tatakbo siya noon, lahat nang nanonood ay tumatayo para siya makita.

Sabi niya, isang panahon ang nangyari na siya sana ay pupunta sa Chiang Mai, Thailand noong 1996 dahil sa kanyang record na pumapantay sa Atlanta Olympics. Pinaghandaan niya at nag-ensayo siya. Ang oras niya noong palaro ay 11:44 pero noong siya nag-training ako sa Baguio, nakapag-record ako ng 10:08,” pahayag niya.

Sa National Private Schools Athletic Association (PRISAA), sumabay si Nancy sa pagtakbo sa mga kapwa niya atletang lalaki, pero muli siyang na-intriga nang sabihin ng ilan na talagang siya ay lalaki.

Ang paliwanag niya, sinasanay lang niya ang mga lalaking atleta sa kolehiyo at sinasabayan sila pero tinatalo niya sila.

“Sabi nila lalaki si Nancy, nakilaban sa lalaki. Hindi nila alam na ang mga batang tinuturuan ko tsina-challenge ko lang sila na habulin nila ako. Ginawaan ako ng istorya,” sabi ni Nancy.

Taong 1996 siya binawalan na maglaro kung kailan Region 1 ang sasabak sa kompetisyon. Pagkatapos ng kabanatang ito, humawak na si Nancy ng mga atleta sa kolehiyo at marami siyang natulungan na magtagumpay.

Sa kabila ng kabiguan, hindi  nawawalan ng pag-asa si Nancy.

Tumatayo siyang coach ngayon sa track and field ng Vigan, Ilocos Sur, sa isinasagawang Batang Pinoy National Championships 2019.

“As of now naka-produce na rin ako ng atleta ng Vigan City kasi bago pa lang ako doon. May na-produce na ako sa regional nila. Maraming nag-medal tapos pumunta sa Palarong Pambansa, tapos sa qualifying ng Batang Pinoy hanggang sa national championships ng Batang Pinoy. Kung hindi ko man naipagpatuloy ang aking pagtakbo sa mga international competitions, ngayon ibinubuhos ko sa mga atleta kung ano ang nalalaman ko,” pahayag niya.

Hindi sana siya pupunta ng Puerto Princesa City, ang host ng Batang Pinoy ngayong taon, pero naiisip niya ang kanilang mga atleta at alam niya na ang kanyang suporta ay mahalaga sa kanila.

“May napag-ASEAN Games na ako, nanalo siyang medalist champion sa hurdles si Mary Grace Mayda, 100m new hurdle,” ayon sa kanya.

Ang sports training ay hindi dapat katakutan kung hindi dapat paghandaan dahil ang ibang atleta ay nagsasanay rin.

“Ang maipapayo ko lang lalo na sa mga atleta ay matalo man o manalo, nandyan ang aim niyo sa sports, observe the highest level of self-discipline,” ayon sa kanya.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry