Pintor na ‘most wanted’ dahil sa kasong panggagahasa, inaresto sa Narra

Inaresto ng mga pulis sa bayan ng Narra ang isang 32 anyos na pintor na itinuturing na No. 4 most wanted dahil sa kasong panggagahasa, 10:30 ng umaga kahapon, April 15, sa Barangay Estrella.

Kinilala ang suspek ng Narra Municipal Police Station (MPS) na si Jerwin Balibal Gobuyan, residente ng nasabing lugar. Dinakip siya sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Bayani Usman ng Branch 50 ng Palawan Regional Trial Court (RTC) noong 2008.

Ayon kay P/Maj. Dhenies Acosta, hepe ng Narra MPS, ang menor de edad na girlfriend ni Gobuyan ang biktima nito.

Nang mangyari ang krimen ay sinasabing 19 anyos ang lalaki habang 12 anyos naman ang girlfriend nito.

“Ang biktima niya allegedly ay girlfriend niya. Nangyari daw yon sa isang barangay sa Narra. Pero kasi, kahit na may consent (sexual consent) ‘yon kung minor ang girlfriend niya na noon ay 12 years old pa lang, hindi puwede yon, rape pa din yon,” pahayag ni Acosta.

“Nagtago pala ito ng Maynila. Bumalik lang ito noong nakaraang taon. Na-monitor namin na nakauwi na, tinrabaho na namin,” dagdag pa niya.

Kasalukuyan na ngayong nasa kustodiya ng Narra MPS ang suspek na si Gobuyan. Wala namang nakalaang piyansa para sa pansamantalang kalayaan nito.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry