Sep 19, 2020

Pinsala ng tagtuyot sa agrikultura ng Occidental Mindoro, higit P160M na

Google map file photo

SAN JOSE, Occidental Mindoro — Umabot na sa higit P160 milyong halaga ng mga pananim sa lalawigan ang napinsala ng tagtuyot dahil sa El Niño, ayon sa Office of the Provincial Agriculturist (OPA).

Paliwanag ni Sofronio Baranda, hepe ng OPA, malaki ang epekto ng maagang kawalan ng ulan sa lalawigan.

“Oktubre pa lang ng 2018, wala nang ulan at nagsimula na tayong makaranas ng tagtuyot,” ayon kay Baranda. Aniya, batay sa mga isinumiteng ulat ng mga Municipal Agriculturist Office (MAO), sampung munisipyo sa lalawigan ang naapektuhan.

“Isa ang bayan ng San Jose, na kamakailan lamang ay naideklarang under state of calamity, sa nakaranas ng matinding epekto ng dry spell,” pahayag ni Baranda.

Umabot na sa P49 milyon ang halaga ng napinsalang sakahan ng palay, sibuyas at iba pang pananim sa nabanggit na bayan. Tama aniya ang ginawang hakbang ng pamahalaang lokal (San Jose) dahil magagamit nila ang kanilang calamity fund para matulungan ang mga magsasaka

Ayon pa rin kay Baranda, bilang tulong sa mga bukirin na maari pang isalba, nagbibigay ang kanilang tanggapan ng krudo para sa mga makinang gamit sa pagpapatubig ng sakahan. “Subalit kulang ang pondo kumpara sa pangangailangan ng mga magsasaka sa lalawigan,” dagdag pa ng Provincial Agriculturist.

Samantala, nagpulong naman kamakailan ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan upang pag-usapan ang mga hakbang na maaaring gawin kaugnay ng problemang kinakaharap ng lalawigan. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry