Ayon kay lola Baray, ang tanging sekreto para maabot ang kanyang edad ay ang maigting na pananampalataya sa Diyos at pagkain ng masustanya gaya ng gulay at prutas.

SAN VICENTE, Palawan – Isang simpleng pagtitipon ang isinagawa ng pamilya, iba pang kamag-anak, at mga kaibigan ni Barbara Papulan Leido-Evio, o mas kilala bilang “lola Baray” para ipagdiwang ang kanyang ika-101 taon na kaarawan noong Sabado, Disyembre 4.

Si Lola Baray ang pinakamatandang Agutaynen na nabubuhay ngayon sa San Vicente at ipinanganak siya noong Disyembre 4, 1920, sa Old Agutaya, Palawan. Umaasa siya na sa madaling panahon ay matatanggap niya ang kanyang centenarian award.

Siya ay naging asawa ni dating New Agutaya kapitan del barrio Ponciano Adier-Evio at sila ay nabiyayaan ng apat na anak na sina Letty Evio-Cabiros, Tita Evio-dela Cruz, Minda Evio -Abejo at Job Evio. Ang tatlong babae na lamang ang buhay sa kanilang mga anak.

Sinimulan ang pagdiriwang ng kanyang kaarawan sa pamamagitan ng tradisyunal na mañanita sa madaling araw at kaunting salu-salo ng pamilya at ilang mga kaibigan.

Ang kanilang pamilya ay itinuturing na isa sa mga pundador sa lugar na ito.

- Advertisement -

Sinimulan ang pagdiriwang ng kanyang kaarawan sa pamamagitan ng tradisyunal na mañanita sa madaling araw at kaunting salu-salo ng pamilya at ilang mga kaibigan.

Ayon kay lola Baray, ang tanging sekreto para maabot ang kanyang edad ay ang maigting na pananampalataya sa Diyos at pagkain ng masustanya gaya ng gulay at prutas.

“Kapit lang sa kanya (Diyos), dasal lagi. Kain lang ng maraming gulay, prutas, isda, at konting asin lang sa mga sinabawang ulam. Ok na luya o tanglad na lang ihalo or kamangi para mabango ang ulam,” kuwento ni Lola Baray

Ilan naman sa mga paborito niyang prutas ay ang guyabano, abokado, bayabas, mangga, saging, at kaimito kung kaya lahat ng mga ito ay kanyang itinanim sa kanyang bakuran.

Ayon naman sa kanyang mga apo, hiling din ni lola Baray ang maayos na kalusugan para siya ay makapagdiwang pa ng maraming kaarawan.

“Salamat sa Panginoon sa buhay na kaloob. Masaya at nagagalak kami na si lola ay matalas pa rin ang memorya. Nakakatuwa na halos lahat ay kanya pa ring naaalaala,” kuwento ng kanyang mga apo na sina Tina at Pinky.

“Si tatang Baray ay isang mapagmahal at maalalahanin sa kanyang mga anak, pamangkin at apo. Isa siyang ulirang ina, mapagbigay, mahusay makipag-kapwa tao at maka-Diyos kaya siguro talagang pinahaba ni Lord ang kanyang buhay at binigyan siya ng maayos at malakas na kalusugan,” ayon naman kay Carmen Quimay, kaibigan at kapitbahay ni Lola Baray

Kuwento ng kanyang pamangkin na si nanay Lucita, wala siyang maalala na nakaaway o nakagalit ni tatang Baray. Maalaga ito, masipag, at sobrang bait.

Noong kalakasan pa nito, siya ang treasurer ng apostolada sa simbahan at kapag may patrabaho sila, ay siya ang sumasagot ng ibang mga gastusin.

“Bukal lahat sa kanya ang pagserbisyo sa simbahan at pamilya niya. Siya na yata yung walang kapagurang auntie namin,” pahayag naman ni nanay Lucita, isang pamangkin ni Lola Baray.

Ayon din sa kanyang ilang apo, umaasa sila na matatanggap ni lola Baray ang kanyang award bilang isang centenarian.

Pahayag ni Rycy Pinky dela Cruz, dalawang taon na nilang inaasikaso ang kanyang centenarian award kaya sa tuwing bumibisita sila ay panay rin ang pangungumusta nito.

“Nakakalungkot na hanggang ngayon ay wala pa ring balita. Nabanggit namin ito sa kanya na inaasikaso na ang kanyang centenarian kaya sa tuwing bumibisita kami panay rin ang pangungumusta niya,” ayon kay Dela Cruz.

“Naiisip nami na, sana pala hindi na namin ibinalita sa kanya ang patungkol dito kasi malungkot makita ang isang matanda na nasa ganoong edad ay umaasa pa rin. Nagpapasalamat na lamang kami na patuloy kaming binibiyayaan ng Diyos at pinagkalooban pa siya ng panibagong taon. Ang importante buhay ang aming lola,” dagdag niya.

Sa kabila nito ay patuloy silang nagpapasalamat at ipinararamdam sa kanya ang pagmamahal dahil na rin sa kanyang naging sakripisyo para sa kanila.

Previous articleLalaking wanted sa kasong panggagahasa arestado sa bayan ng Roxas
Next articleNortheast monsoon continues to affect Palawan with cloudy skies, isolated light rainfall
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.