Sa larawang ito, ipinapakita ni MackMack ang kanyang unan na gawa sa nagamit ng disposable diaper. Ang pag-publish ng larawan ng bata ay may pahintulot ng kanyang nanay na si Marilou Novilla.

Isang maybahay na nagnanais makatulong sa pangangalaga ng kalikasan sa pamamagitan ng pag-recycle sa gamit ng mga disposable diaper ang pinagsama-sama ito at ginawang unan para sa kanyang bunsong anak na lalaki.

Sabi ni Marilou Novilla ng Barangay Maunlad, bago magtaas ng kilay ang ilan, may paraan para hindi maisama ang gamit ng absorbent pad ng disposable diaper para magawa itong unan.

Ang nagturo daw ng ideya sa kanya ay ang kapatid na bunso na nagtra-trabaho sa lokal na tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Brooke’s Point noong minsang pumunta sila doon.

“Noong pumunta kami doon sa kanila sa Brooke’s Point, noong matutulog na kami, sabi ko ang sarap naman gamitin nitong unan. Anong kapok ang ginamit dito? Pero sabi niya, ‘hindi, tingnan niyo kung ano ‘yan, diaper ‘yan, gawa sa diaper,” sabi ni Novilla.

Aniya, ang una niyang ginawa ay ipunin ang mga diaper, tanggalin ang gamit ng absorbent pads mula sa polyethylene plastics, labahan ang naiwang plastic, ibabad ito para mawala ang amoy, at pagkatapos ay patuyuin.

Kapag dumami na, puwede ng pagsama-samahin sa isang tinahing punda para gawing unan. Sa kanyang karanasan, ang isang unan na kanyang nagawa ay may laman na 80 piraso ng ni-recycle na diaper noong ang kanyang bunsong anak na lalaki ay walong buwan pa lamang.

 

Ang paraan ng pagsilid ng mga disposal diaper na ni-recycle sa punda ng unan.

Mahigit pitong taon na ang kanyang anak na ito, pero ginagamit pa rin nito ang nagawa niyang unan.

“Unang-una, ‘yong diaper na may ihi, tatanggalin po ‘yong laman… kasi ‘yong diaper parang may mga foam siya na hindi rin daw basta-basta nabubulok. ‘Yong diaper na nakuhanan ng laman, nilalabahan, binababad, at pagkatapos ay pinapatuyo, iniipon, hanggang sa dumami ay puwede ng gawin na unan,” pahayag niya.

Sabi ni Novilla, ayon sa kanyang nalaman, ang mga disposable diaper ay consumer product na may epekto rin sa kapaligiran. Hindi ito madaling mabulok sa mga landfill kung hindi na-e-expose sa sikat ng araw at oxygen. Tumatagal ng 450-500 na taon bago ito mag-decompose.

Isa pang puwedeng gawin para hindi itapon ang diaper, ay gumamit ng lampin sa pamamagitan ng pagsiksik nito sa natanggalan ng absorbent pads.

“May ginagawa pa ang kapatid ko na itinuro din niya sa amin para hindi magastusan sa pagbili ng diaper. ‘Yong lampin, pinapasok sa loob ng diaper para sa baby para hindi magastos na bili ka ng bili ng diaper. Kapag hindi na siya mapakinabangan kasi ‘di na siya dumidikit, sobrang laba na, ‘yon na ginagawa ng unan,” kuwento ni Novilla.

Sabi niya, konti lang ang diaper na nagamit niya habang lumalaki ang kanyang bunsong anak. Bukod sa tipid na ay nakakatulong pa siya sa pangangalaga ng kalikasan.

Aniya, wala ng gumagamit ng diaper sa kanyang mga anak, pero ang kanyang nagawang unan ay nagagamit pa.

“Siguro kung may magbibigay sa akin, puwede ko siyang gawin,” sabi ni Novilla.

Payo ni Novilla sa mga bago pa lang magkaka-anak, subukan ang kanyang ginawa para makatipid at makatulong din sa pagbabawas ng pagtapon ng basura sa kapaligiran.

 

About Post Author

Previous articleBOC orders condemnation of ASF-positive pork dumplings from China
Next articleCapitol clamps down on suspected illegal drugs activities at provincial jail