Ang mga senior citizen at PWD na napagkalooban ng tulong pinansyal ng Provincial Social Welfare and Development Office ng Palawan kamakailan sa bayan ng Quezon sa ilalim ng Local Social Pension Program for Indigent Senior Citizens & PWDs. | Photo by Palawan PIO

Ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ang tulong pinansiyal o Local Social Pension (LSP) para sa mga Palaweño na nabibilang sa Indigent Senior Citizens (ISC) at Persons With Disabilities (PWDs) sa bayan ng Quezon na personal na inihatid ng mga kawani ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa iba’t ibang mga barangay kamakailan.

Ayon sa pinuno ng PSWDO na si Abigail D. Ablaña sa pahayag na inilabas ng Provincial Information Office (PIO) ng pamahalaang lalawigan noong Agosto 3, ang pamamahagi ng LSP noong Hulyo 28-31, 2021, ay umabot sa kabuoang halaga na P702,000 para sa 468 na senior citizens para sa anim na buwan na pension mula Enero hanggang Hulyo sa nakalipas na taong 2020.

Makikita sa larawan na ito ang isang PWD habang tinutulungan na pirmahan ang mga dokumento bilang patunay na ito ay nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa Provincial Social Welfare and Development Office ng Palawan sa ilalim ng Local Social Pension Program for Indigent Senior Citizens & PWDs. | Photo by Palawan PIO

- Advertisement -

Samantala, P210,000 naman ang kabuoang halaga na naipagkaloob sa 35 na PWD para sa buwan ng Enero hanggang Disyembre 2020 kung saan tumanggap ang bawat isa ng halagang P6,000.

Aniya, sa kabila ng problemang kinakaharap ng lalawigan dahil sa COVID-19 pandemic ay patuloy ang kanilang paglilingkod upang maihatid ang ayuda ng pamahalaang lalawigan ayon na rin sa direktiba ni Governor Jose Ch. Alvarez kasabay nang pagsunod sa lahat ng health and safety protocols na ipinatutupad ng bawat munisipyo.

Ang pagbibigay ayuda sa mga senior citizen at PWD ay sa ilalim ng Local Social Pension Program for Indigent Senior Citizens & PWDs na regular na programa sa ilalim ng PSWDO. Layunin nito na matulungan ang mga nakatatanda at mga PWD lalo na ang mga kapus palad upang makatulong sa kanilang pangangailangan partikular sa mga gamot at pagkain.

Ayon pa kay Ablaña, nakatakda ring pagkalooban ng pensyon ang ilan pang mga senior citizen at PWD sa iba pang mga munisipyo ng lalawigan sa susunod na mga araw upang makatulong sa mga ito lalo na ngayong kinakaharap pa rin natin ang pandemya ng COVID-19. (Press Release)

Previous articleTatlo sugatan sa isang vehicular accident sa Narra
Next articleLalaking natagpuan sa gitna ng kalsada sa Brooke’s Point posibleng binugbog