Naging emosyonal ang ilang mga persons deprived of liberty (PDL) ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa bayan ng Brooke’s Point matapos silang haranahin ng celebrity singer na Kris Lawrence noong Biyernes, March 3.
Ito ay kaugnay ng “Lingap sa mga Kababayan Handog ng Pamahalaan” program ni Mayor Cesareo Benedito Jr. at ng Sangguniang Bayan ng Brooke’s Point.
Inawit ni Kris sa harap ng mga PDL ang mga kantang Kung Malaya Lang Ako at When I See Your Smile para sila ay bigyang inspirasyon sa gitna ng mga pagsubok na kanilang kinakaharap.
“I feel honored. Matagal ko ng pinapangarap na kantahin ang Kung Malaya Lang Ako sa ating mga kapatid na nakakulong dahil alam kong makakarelate ang ilan,” sabi ni Kris Lawrence.
“At yong song na “When I See Your Smile” naman para mainspired sila na kahit sa kabila ng mga pagsubok ay lagi dapat silang naka-smile,” dagdag pa niya.
Masaya ring ibinahagi ni Kris na lehitimong taga-Brooke’s Point na siya dahil nakakuha na siya ng cedula bilang residente ng Barangay Tubtub.
Samantala, isang album naman ang ilalabas ni Kris kung saan isa sa mga awitin dito ay sa Brooke’s Point kinunan ang music video.
Ayon sa singer, paraan ito para maipromote niya ang ganda ng kalikasan ng bayan.