Mahigpit ang isinasagawang pagpapatrolya ng Philippine Coast Guard (PCG) sa karagatan ng Balabac para mapigilan ang mga isinasagawang iligal na pangingisda ng ilang indibidwal.
Ayon kay Commander Severino Destura ng PCG at Coast Guard District Puerto Princesa, kung kailan lang ay talamak ang iligal na pangingisda sa Balabac, ngayon ay nababawasan na ito dahil sa kanilang patuloy na pagpapatrolya.
Aniya, ilan sa mga nahuling mangingisda na nagsasagawa ng iligal na paghuli ng isda ay yong hindi pumasa sa inspeksyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
“Hindi kasi sila mabigyan ng fishing license at fishing clearance, dahil hindi na acceptable ang paraan nila sa pangingisda,” pahayag ni Destura.
Ilan sa mahigpit na ipinagbabawal na paraan ng pangingisda na binabantayan ng mga tropa ng PCG ay ang paggamit ng liglig na nakasisira sa mga korales sa dagat, kuli-kuli, cyanide fishing, at ang pagamit ng compressor na napaka-delikado sa buhay ng mga mangingisda.
Ayon pa kay Destura, patuloy na magbabantay ang kanilang tropa sa lugar.
Kung sa ngayon ay unti-unti ng bumababa ang kaso ng illegal fishing sa Balabac, darating ang araw, hindi man masugpo lahat ay sisiguraduhin nila, katuwang ang ilan pang law enforcement agencies na matututo ang mga mangingisda na gawin ang tama.