Maayos ang tinatakbo ng mga isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa serye ng pamamariil sa southern Palawan matapos magdagdag ng imbestigador at magtalaga ng tracker teams.
Ayon kay P/Lt. Col. June Rian, tagapagsalita ng Palawan Provincial Police Office (PPO), kung pagbabasehan ang mga regular na pag-uusap ng kanilang mga pulis na sumusubaybay sa mga kaso ay makikitang nagiging maayos na ang lahat.
“Sa ngayon, lahat ng kaso dito (shooting incidents), hindi lang ang mga personnel ng lugar kung saan nangyari ang mga insidente ay binabaan din ng karagdagang mga imbestigador, at the same time kasama po ang mga tauhan ng intelligence, at mayroon din tayong mga tinatawag na mga tracker team para makatulong sa isinasagawang imbestigasyon,” sabi ni Rian.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Rian na sa kaso ni Atty. Eric Jay Magcamit, ang abogado na pinaslang sa Narra, mayroon ng siyam na nasampahan ng kasi at isa na sa kanila ang sumailalim sa inquest proceeding.
Ito ay ang suspek na si Jazzer del Rosario na naaresto noong November 22. Sabi ni Rian, na-inquest niya noong November 24.
“Mayroon na po tayong nasampahan na arrested, si Jazzer del Rosario, na naaresto noong November 22 at na-inquest siya sa kasong murder noong November 24. Nagkaroon tayo ng supplemental regarding po doon sa incident na yon. Another case po siya, automatic isasama po si Del Rosario at saka may dalawa na tayong personalities na si Mariano Quioyo at yong police ng Quezon,” pahayag niya.
“Mayroon pa rin tayong sinusundan na mga ina-identify pa ng ating mga pulisa. Tuloy-tuloy po ang trabaho paraha ma-identify po natin itong six John Does para masampahan din ng kaso,” dagdag pahayag ni Rian.
Matatandaan na sa unang press conference na isinagawa kasama ang dati at pinalitang PPO provincial director na si P/Col. Dionisio Bartolome, sinabi nito na walang involve na pulis sa krimen.
Ngunit pagkalipas ng ilang araw ay isinailalim na nga sa kanilang kustodiya ang isang pulis Quezon na naging matunog ang pangalan matapos ang insidente dahil sa kaugnayan nito kay Quioyo.
“Noong mga time na yon, ongoing po ang ating investigation at kinukumpleto pa ang mga dokumento. Kasi hindi tayo puwedeng basta-basta mag-file ng kaso at hindi rin tayo maaaring magbigay ng panagalan, kaya nga tinatawag lang muna natin na persons of interest lang muna hangga’t hindi naba-validate ang lahat ng dokumento at mga ebidensya or wala pang makakapag witness,” pahayag ni Rian.
Sa ngayon, lumalabas na ang pangalan at may nakapag-witness na kaya nakapag-file na tayo ng panibagong case kay laban kay Quioyo at doon sa pulis,” dagdag niya.
Si Quioyo umano ay may edad na at kapag may hearing ay nagpapasama sa nadadawit na pulis.
“Ang pulis po nasa restricted custody ng command, ibig sabihin nandito po siya sa loob ng kampo,” ayon kay dagdag ni Rian.
Sabi ni Rian, mayroon na ring persons of interest sa kaso ng pagpaslang sa empleyado ng bayan ng Rizal na si Engr. Gregorio Baluyut noong November 20.
“Yong kay Baluyut po, sa huling case conference, medyo maganda na rin po ang tinatakbo ng imbestigasyon ng kaso, at base sa chief of police ng Rizal (P/Cpt. Aldrico Nangit), mayroon ng persons of interest na kailangan na lang ay ang pagkakakilanlan,” pahayag niya sa Palawan News.
Sa Bataraza naman, kung saan nakaligtas ang binaril na si Joel Flores, ang sales representative ng Asia Brewery, sinabi ni Rian na nasampahan na ng kaso ang suspek matapos na kilalanin ng biktima.
“Ang suspek sa Bataraza ay nakapag-file na laban sa kanya ng kaso. Regular filing noong November 25. Problema po ito doon sa part ng… ibig sabihin nagkaroon ng relasyon itong victim sa babaing mayroon palang asawa,” sabi ni Rian.
Hindi na niya binanggit sa Palawan News ang pangalan ng suspek, pero lumalabas na tiyuhin ng babaeng nakarelasyon ni Flores ang suspek at sinampahan ng kaso.
Sabi ni Bataraza police chief P/Lt. Michael Von Agbisit, bago pa nangyari ang insidente ay may pagbabanta na sa buhay ni Flores.
“Kamag-anak mismo ng babae at hindi mismo yong asawa. Tiyuhin niya. May pagbabanta na rin pala prior pa noong pangyayari, at siya mismo ang itinuro ng biktima,” pahayag ni Agbisit sa Palawan News noong November 27.
“Nakaharap at nakasalamuha na niya ito, natandaan niya kasi noong last time na nagkita sila, pinagbantaan siya. Pinangalanan niya mismo,” dagdag ni Agbisit.
Samantala, sa pagpaslang naman kay kapitan Roderick Aperocho ng Brgy. Poblacion, Narra, naglabas na ng direktiba ang pulisya na gawin ang lahat nang magagawa upang malutas ang kaso.
Maganda na rin umano ang development sa case investigation, ngunit may ilang bagay na lamang na kukumpletuhin para maisampa ang kaso laban sa mga salarain dito.
“Maganda na ang tinatakbo ng Aperocho case investigation, base nga sa pag-uusap namin ng chief of police ng Narra at ng imbestigador ng kaso, may kulang na lang na documents para mai-file. Kailangan na lang ay yong pagkakakilanlan talaga, at kung mayroong mag-affidavit regarding doon sa gunman, maipa-file po ang kaso,” ayon kay Rian.