Dec 5, 2020

Panukala na magpapalawig sa lifeline rate hanggang 10 years, aprubado sa Committee on Energy

Ang pag-apruba ay isinagawa sa pamamagitan ng teleconference na pinangunahan ni Committee vice chair at Pampanga Rep. Juan Miguel Macapagal Arroyo.

Inaprubahan na sa Committee on Energy ng Kamara ang substitute bill na naglalayon na palawigin ang lifeline rate ng 10 taon, araw ng Biyernes.

Ang pag-apruba ay isinagawa sa pamamagitan ng teleconference na pinangunahan ni Committee vice chair at Pampanga Rep. Juan Miguel Macapagal Arroyo.

Ang panukala ay nasa ilalim ng pinag-isang House Bill (HB) 7059 na iniakda ni Philreca Party-list Rep. Presley de Jesus at HB 7341 ni Valenzuela City Rep. Wes Gatchalian, na naglalayong amyendahan ang Republic Act 9136 o ang “ Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).

Layunin ng pagpapalawig sa implementasyon ng lifeline rate ang patuloy na pagbibigay ng abot-kayang halaga ng kuryente sa mga pamilyang maliliit ang kita, lalo na sa panahon ng pandemya dulot ng COVID-19.

Samantala, binuo ng komite ang isang technical working group (TWG) upang patuloy na talakayin ang HB 7060 na inihain ni APEC Party-list Rep. Sergio Dagooc na naglalayong isulong ang paggamit ng microgrid systems para sa ganap na paglalagay ng kuryente sa mga lugar na may kakulangan o wala pang kuryente.

Gayundin, ayon sa tagubilin ni Speaker Lord Allan Velasco, tinalakay sa komite ang probisyon sa komposisyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa substitute bill ng HB 2099 na inihain ng Speaker at sa HB 2427 ni Quezon City Rep. Alfred Vargas, na naglalayong bawasan ang burokrasya ng ahensya ngunit taasan at paunlarin naman ang kakayahan ng mga kawani nito at dagdagan ng kinakailangang benepisyo.

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry