Oct 1, 2020

Pampublikong sasakyan sa Quezon, umaalma dahil sa nalulugi sa biyahe

Inihayag ni Luis “Jhun” Navarro, pangulo ng Tricycle Operators/Owners and Drivers Association (TODA), ang panawagan ng mga drayber na sila ay payagang magsakay ng apat na pasahero dahil kahit itaas pa sa P15 ang dating P12 na pamasahe ay hindi pa rin ito sapat kung isa o dalawa lamang ang sakay.

QUEZON, Palawan — Umapila ang mga driver at operator ng mga pampublikong sasakyan na muling dagdagan ang taas pasahe upang mas mayroong maiuwing kita sa pamilya, sa ginanap na pagpupulong ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) nitong June 16 sa bayan na ito.

Inihayag ni Luis “Jhun” Navarro, pangulo ng Tricycle Operators/Owners and Drivers Association (TODA), ang panawagan ng mga drayber na sila ay payagang magsakay ng apat na pasahero dahil kahit itaas pa sa P15 ang dating P12 na pamasahe ay hindi pa rin ito sapat kung isa o dalawa lamang ang sakay.

“Baka po pupuwedeng payagan na hanggang apat ang sakay ng tricycle kasi lugi talaga kaming mga drivers. Sa gasolina pa lang ay ubos na kaagad, paano pa ang aming mga pamilya?” pahayag ni Navarro.

Ayon naman kay Roberto Golez, dispatcher ng shuttle van, masyadong matumal ang biyahe nila at halos walang pasahero. Dagdag pa rito, ang ilang shuttle van nila ay nakatambay na lamang dahil mula 15 pasahero ay lima na lamang ang puwedeng isakay.

“Tatlo ang pinaaaral kong mga anak, isang college, isang senior high, at elementary. Buti na lang walang pasok. Kung hindi, hindi ko na alam kung paano pa matutustusan ang pangangailangan ng pamilya ko. Hindi naman kalakihan ang sahod ko, tapos ngayon pabugso-bugso pa ang biyahe namin. Mahirap talaga.” pahayag ni Golez.

Naninidigan naman ang MIATF na sa ngayon ay mas mahalagang mapanatiling ligtas ang mga pasahero sa loob ng mga pampublikong sasakyan.

“Ipagpaumanhin ninyo, pero hindi po natin papayagan na maging apat ang pasahero sa tricycle. Isa hanggang dalawa lang po ang pupuwede ninyong isakay. Maawa kayo sa inyong pamilya kung magkakahawaan diyan ng virus kung siksikan na kayo. Panatilihin natin ang social distancing.” pahayag ni Dr. Josieveline Damalerio.

Noong June 5 pinirmahan ni Mayor Joselito Ayala ang kautusan na nagtatalaga nang pagtaas ng pamasahe mula P12 hanggang P15 sa mga regular na pasahero at kung galing naman ang mga tricycle sa mga barangay ay magdagdag lamang ng 25 porsyento. Makikita rin dito na binibigyan pa rin ng 20 porsiyentong diskuwento ang mga person with disabilities (PWD) at senior citizen.

Bukod sa kanilang hinaing, ipinatawag din ang pagpupulong dahil sa reklamo ng mga pasahero sa sobrang paniningil ng ilang drivers.

Sabi ni Ayala, ayon sa mga nagrereklamo, sa malalapit na barangay ay mula sa P25 naging P30 at sa malalayo naman, mula P55 ay naging P70 na paniningil ng mga tricycle driver.

Idinagdag niya na mayroong mga reklamo din tungkol sa mga driver ng tricycle na hindi nagsasauli ng tamang barya sa pasahero.

“Ayaw nating mamihasa at maabuso ang ating mga kababayan lalo na sa panahon ng pandemya. Huwag kayong mag-take advantage sa panahon ngayon. Dapat nga magtulungan pa tayo at unawain ang kalagayan. Kapag mayroong mang-abuso at inabuso, i-report ninyo kaagad sa opisina upang mabigyan ng agarang aksiyon,” ayon pa kay Mayor Ayala.

Sinabi naman ni Municipal Councilor Elson Rayoso, chairman ng Committee on Transportation ng Sangguniang Bayan, na nagpasa na sila ng resolusyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Puerto Princesa upang ipaabot ang usapin sa overpricing ng pamasahe sa jeep, shuttle van, at bus. Mula kasi sa dagdag na P3 kada kilometro mula sa dating regular rate na P100, ngayon ay naging P300 hanggang P400 na ang pamasahe.

“Ang iba, para makakuha ng pasahero, ay nagbibigay ng diskuwento. Paunahan pa sa pagkuha ng pasahero. Kung kaya ngayon pinakamataas ay P350 na lamang para sa mga regular na mga pasahero at kung emergency naman minsan umaabot na lang sa P200 bilang pakonsuwelo sa mga nangangailangang mga kababayan,” ani Rayoso.

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry