NARRA, Palawan — Humihingi ng tulong ang pamilya ng isang 50 anyos na lalaki sa Barangay Elvita sa bayan na ito sa sino man na mayroong mabuting kalooban na gustong tumulong para sila ay makaipon ng pambili ng gamot para sa kanyang sakit sa kidney.
Ang nananawagan ay ang pamilya ni tatay Totong Dohina na sa kasalukuyan ay mahina ang katawan matapos ma-ospital sa Puerto Princesa City. Kailangan kasi nito ang maintenance medicine para maibsan ang sakit na nararamdaman.
Ayon kay Jully Labrador, chairman ng Sangguniang Kabataan (SK) sa Elvita at tumutulong din sa pamilya Dohina, si tatay Totong ay walang ganang kumain at hindi na rin makatayo.
“Naaawa kami kay tatay Totong kaya nag-post ako sa FB ko na baka may sino man ang puwedeng tumulong sa kanya. Ang aming barangay ay hindi siya pinapabayaan, binibigyan namin sila ng pagkain, bigas, lalo pa’t may anak siya na nasa poder niya at hiwalay sa asawa niya. Simula noong galing siya ng hospital, nagbibigay na po kami sa kanya,” pahayag ni Labrador noong Lunes.
Isang linggong na-confine sa ospital sa Puerto Princesa si tatay Totong. Matapos ma-discharge ay bumalik siya sa Narra sa April 19 kung saan ngayong buwan ng Mayo ay hindi na ito nakakabili ng maintenance medicine dahil sa hirap sa pinansyal na kapasidad.
Kung sino man ang gustong tumulong ay maaaring tawagan si Labrador sa bilang na 0910-290-2393.