SAN VICENTE, Palawan — Itinuturing na modelo ang Pamana Agri-Tourism Farm ng pamahalaang bayan ng San Vicente sa pagtataguyod ng organikong paraan ng pagtatanim ng gulay, ayon sa Municipal Agriculture Office (MAO).
Ayon kay municipal agriculturist Rufino Clavecilla, marami ang nagtutungo sa Pamana dahil gustong matuto kung paano ang paggugulayan sa organikong pamamaraan at kung ano pa ang tungkol sa agrikultura na makatutulong sa kanila.
Mula sa Pamana ay nakapagbigay na rin sila ng mga semilya na puwede na agad itanim.
“Nakapamigay tayo ng mga semilya [mula] dyan, ‘yung ready-to-plant na. Tapos ang daming natuto dyan, ang daming pumupunta [para matuto] kung paano ginawa ‘yung mga ginagamit natin na mga inputs. Natuto sila kung paano i-improve ‘yung lupa using ‘yung mga local materials,” sabi ni Clavecilla.
Aniya, maganda ang itinatakbo ng naturang proyekto na matatagpuan sa Brgy. Poblacion.
Ito ay bahagi ng mga programang itinataguyod ng lokal na pamahalaan para sa seguridad ng pagkain sa San Vicente.
Isa sa mga pamamaraang ginagawa sa pagtatanim ay ang paggamit ng rice hull mula sa mga gilingan na kanilang inilalagay sa pinagtatamnan o bedding.
“’Yung mga rice hull ginawa kong bedding sa mga gulay. Tuwing cropping hinahalo iyan for every square meter halos isang sakong rice hull iyan ang nakahalo,” dagdag ni Clavecilla.
Patunay ang Pamana na maaaring makapagtanim ng mga gulay sa mga lupa na itinuturing na marginal soil o may kakulangan sa nutrisyon para sa mga tanim, ayon sa kanya pa ring paliwanag.
“Ang Pamana ay naging venue natin sa training ng mga tao na sa isang marginal soil puwede ka pala mag-produce. ‘Yung bakuran mo i-improve mo lang siya, tuluy-tuloy ang pag-i-improve niya using organic inputs na pagdating ng panahon magtaas ang organic accumulation, habang tumatagal ay gumaganda [ang kalidad ng lupa],” ayon pa sa kanya.
Hindi lamang gulay ang mayroon ang Pamana, ayon sa kanya. Mayroon din ditong goat raising at pag-aalaga ng manok. Ang mga produktong gulay ay naipagbibili at nakapagsusuplay na sa ilang barangay ng San Vicente.
Ang proyekto ay sinimulan noong buwan ng Hunyo, taong 2020.
