Ang cellphone technician na si Johnrey Cabañero Rosiana, 21.

Naitala ang kauna-unahang shooting incident ngayong taon sa Barangay Tiniguiban sa Puerto Princesa City ng dahil lamang sa ibinentang cellphone na may halagang P1,000 ngunit gustong ibalik ng nakabili dahil ito ay depektibo.

Ayon kay P/Maj. Noel Manalo, ang hepe ng Police Station 2 (PS 2) sa lungsod, ang suspek sa pamamaril na naganap sa area ng national highway sa bahagi ng Brgy. Tiniguiban noong ala una nang hapon nang Enero 13 ay ang cellphone technician na si Johnrey Cabañero Rosiana, 21, at ang biktima naman ay ang pinagbentahan diumano nito na si Charlie Silvestre Loterte, 29.

Sa report ng PS 2, may usapan umano ang dalawa na magkikita sa harap ng RCBC na sakop ng Brgy. Tiniguiban at Robinsons Place Palawan na sakop ng Brgy. San Manuel para ibalik ni Loterte ang cellphone kay Rosiana.

Ngunit bago nagkita, nagkaroon na ang dalawa nang mainitiang pagtatalo sa palitan ng mensahe sa messenger chat na diumano ay ikinagalit ng suspek.

- Advertisement -

“Itong suspek ay isang cellphone technician na nag-benta ng cellphone doon sa biktima, nagkataon na may problema, hindi gumagana ang nabili kaya gustong ibalik, kaya nagkita sila kahapon,” pahayag ni Manalo sa Palawan News ngayong araw, Enero 14.

Pagdating diumano ni Loterte sa lugar, nakatanggap ito ng message sa kanyang cellphone mula kay Rosiana na nagsasabing: “Tawid ka sa kabila, naka motor ako. Basta tawid ka sa kabilang side”.

Pagdating ni Loterte sa pinagkasunduang lugar kung saan magkikita, agad itong pinaputukan ng baril ni Rosiana ngunit hindi tinamaan.

“Nagkaroon sila ng pag-uusap, pagtatalo [sa messenger chat], walang sabi-sabi, binunot ang baril at pinutok. Masuwerte lang at hindi tinamaan ang biktima sa halip doon tumama ang bala sa ground,” ayon kay Manalo.

Naaresto si Rosiana, ayon sa imbestigasyon, matapos itong kilalanin sa mga larawan na ipinakita sa isang empleyado ng tindahan sa Robinsons na kapatid pala nito. Ang kapatid ang sumama sa mga pulis sa kanilang bahay sa Purok Matiyaga, Brgy. San Jose upang maaresto ang suspek. Hindi na pinangalanan sa imbestigasyon ang kapatid na babae ng suspek.

Sa ngayon, inihahanda na ng PS 2 ang kasong “attempted murder by the use of lost firearms” laban kay Rosiana dahil sa bigo ang awtoridad na marekober ang baril na ginamit nito.

“Kung matatapos natin ngayon, possible mamayang hapon mai-file natin ang kaso. Pasok tayo ngayon sa election gun ban, ang problema kasi hindi natin marekober ang baril na ginamit, wala tayong ebidensya na puweding i-presenta na may baril siyang hawak,” ayon pa kay Manalo.

Ganito man ang sitwasyon, sinabi ni Manalo na nag-request na rin sila sa Camp Crame ng impormasyon kung may ini-rehistrong baril sa pangalan ng suspek.

Nag-request na rin umano sila ng paraffin testing sa crime laboratory para malaman kung may residue ito ng gun powder.

“Kung mag positive siya sa gun powder, nagpaputok siya ng baril,” saad pa ng hepe ng PS 2.

Previous articleAgriculture office ng San Vicente, tiniyak na sapat ang supply ng pagkain matapos ang bagyo
Next articleSan Vicente muling nagtala ng anim na bagong kaso ng COVID-19
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.