Larawan mula sa ICS San Vicente

SAN VICENTE, Palawan — Nagsimula nang mamahagi ng food packs ang pamahalaang bayan ng San Vicente sa mga pamilyang apektado ng implementasyon ng granular lockdown.

Pinangunahan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang pamamahagi ng ayuda sa mga apektadong pamilya ng apat sa purok ng Barangay New Agutaya na nakasama sa critical zones dahil sa COVID-19.

Ang ipinamahaging food packs ay naglalaman ng bigas, canned goods, noodles, kape, at asukal.

“Ang bigas po kapag above five household members ay 25 kilos ang ating ibinibigay. kapag below 4 naman ay 10 kilos,” ani Renea Jabagat ng MSWDO.

Maliban sa food packs ay namahagi rin ang MSWDO ng sabon at isang litrong zonrox bleach na magagamit sa disinfection.

Pagkatapos nito ay naghahanda na rin ang MSWDO para mamahagi naman ng ayuda sa mga barangay ng San Isidro, Poblacion at Alimanguan kung saan may mga lugar din na nasa ilalim ng granular lockdown.

Habang nasa ilalim ng dalawang linggong granular lockdown, pansamatalang hindi pinapayagan ang paglabas sa mga tahanan ng mga miyembro ng pamilya. Pinagbabawalan din ang pagtanggap ng mga bisita.

Nagtalaga rin ng mga quarantine checkpoints upang mabantayan ang entry at exit points ng mga tinukoy na critical zones.

Ang mga lugar sa apat na barangay ay isinailalim sa granular lockdown na magtatagal hanggang sa ika-13 ng Hunyo, sa bisa ng Executive Order No. 66 series of 2021 ni Mayor Amy R. Alvarez base sa rekomendasyon ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) for COVID-19.

Previous article52 katao sa dalawang bangkang pangisda, nasabat ng awtoridad sa karagatan ng Magsaysay
Next articleDalawang baybayin sa Brooke’s Point, pangangalagaan ng district jail
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.