Nakatanggap ng financial assistance mula sa lokal na pamahalaan ng Barangay Rio Tuba sa bayan ng Bataraza ang mga pamilyang nabiktima ng sunog nitong nagdaang linggo sa Sitio Marabahay, noong araw ng Miyerkules, Mayo 5.
Ang tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P8,000 bawat pamilya ay personal na iniabot ng pamunuan ng barangay na pinangunahan ni punong barangay Nelson Acob sa isinagawang distribution sa covered gym ng barangay, kung saan humigit-kumulang 43 pamilya ang naging benepisyaryo.
Sa panayam ng Palawan News kay Acob noong Huwebes, Mayo 6, sinabi niyang ang financial assistance ay inaprubahan ng Sangguniang Barangay, kung saan ang pondo ay nagmula sa 30 percent ng kanilang 2021 calamity fund na humigit kumulang P344,000.00 na 5 percent naman ng kabuuang pondo ng barangay.
“Right after ng insidente na ito, agad natin itong pinaasikaso sa Sangguniang Barangay na ilabas at gamitin para sa ating mga kababayan na nasunugan, at agad din natin itong iniabot sa kanila upang kahit papaano ay may magamit sila,” pahayag ni Acob.
“Ang alam ko, bukod sa P8,000.00 na ibinigay natin ay nag-abot din ang DSWD ng P5,000.00 sa bawat pamilya, para makatulong sa kanilang pangangailangan,” dagdag niya.
Nagpasalamat din si Acob sa ibat-ibang ahensya ng gobyerno, Non-Government Organizations (NGO) at ilang mga pribadong indibidwal na patuloy na nagpapaabot at nagbibigay ng mga foodpacks sa mga biktima ng sunog sa kaniyang lugar.
“Tuloy-tuloy ang dating na mga tulong – mga pagkain katulad ng bigas, foodpacks dito sa gym natin. Nagpapasalamat tayo sa kanilang lahat at patuloy tayong binibigyan ng mga pagkain para ihatid sa mga biktima ng sunog,” ani Acob.
Samantala, sa usapin naman ng relocation site para sa mga nasunugan, sinabi ni Acob na sa araw ng Lunes, Mayo 10 ay nakatakda silang magpulong kasama si Mayor Abraham Ibba at representante mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para pag-usapan ito.
Nagsagawa na rin aniya ng evaluation at assessment ang mga ipinadalang tao ng National Housing Authority(NHA) noong unang linggo ng Mayo para pag-aralan ang lugar na planong paglipatan ng mga pamilyang nasunugan dito.
Ayon kay Acob, posibleng sa Marabajay pa rin ang gagawing relocation site ngunit ilalayo lamang aniya ang lugar sa lugar na pinangyarihan ng sunog.
“Sa Monday ay magpupulong kami kasama ang LGU para sa relocation site, sa portion pa rin ng Sitio Marabajay pero ilalayo lang sa area na nasunog. Mahirap naman kasi na ilayo mo sa orihinal na kabuhayan ang mga tao dahil nasa dagat ang hanap-buhay nila at syempre hindi pwedeng sa bukid natin sila i-relocate. Katulong natin ang NHA for housing program, tutulungan sila,” aniya.
Sa kasalukuyan, habang hindi pa naisasaayos ang ang paglilipatan ng mga pamilyang nasunugan ay nananatili ang mga ito sa loob ng covered gym ng barangay.
