Ang palengke ng Espanola na pansamantalang isasara upang ma-disinfect

SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Pansamantalang isasara ngayong araw ng Miyerkules, June 2, ang pamilihang bayan dito upang bigyang daan ang isasagawang disinfection ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) matapos na ilang mga market vendors ang nag-positibo sa antigen test.

Ayon kay Mayor Marsito Acoy, makabubuting pansamantalang i-disinfect ang buong palengke upang maging ligtas ang lahat ng pumupunta dito sa banta ng COVID-19.

“Sisimulan ang pag-disinfect Martes ng hapon at itutuloy hanggang sa Miyerkules. Pansamantala lamang ito, lahat ay sarado. Gulayan, isdaan at meat section,” paliwanag ni Acoy.

“Kailangan natin itong gawin para ligtas ang lahat dahil nagsagawa ng antigen testing ang MHO natin at may mga nag-positive sa mga may pwesto sa palengke,” dagdag niya.

Ayon sa Municipal Health Office, labing-isang market vendor ang nag-positibo sa antigen test na isinagawa noong araw ng Lunes at Martes kung kaya’t agad na inirekomenda ng Municipal Inter-Agency Task Force on COVID-19 (MIATF) na isailalim sila sa strict quarantine.

Ayon kay Dr. Rhodora Tingson, municipal health officer, anim sa mga market vendors ay home isolated at ang lima naman ay nasa quarantine facility.

“Siyam ang nag-positive noong Lunes at dalawa naman ngayong araw ng Martes,” pahayag ni Tingson.

Sa kasalukuyan ay may kabuuang 26 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bayan.

Previous articleIwahig Corrections Facility has new penal superintendent
Next article52 katao sa dalawang bangkang pangisda, nasabat ng awtoridad sa karagatan ng Magsaysay
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.