Hindi man pinalad na makapasok bilang finalist ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) na tubong Brooke’s Point sa national male pageant na Ginoong Taiwan 2021 kamakailan ay karangalan pa rin sa kanya na ipakilala ang lalawigan ng Palawan sa naturang bansa.
Proud ang factory worker sa medical supply company sa Changua City, Taiwan na si Anthony Aguilar Quindo na tubong Barangay Mainit, Brookes Point na maging kalahok sa male pageant dahil ayon sa kanya, sa pamamagitan nito ay napapakilala niya kung saan ang Palawan at ano ang ganda na meron ito.
Aniya, 30 male candidates ang lumahok sa kompetisyon kung saan ang ibang kalahok ay kapwa niya OFW at ang iba naman ay half-Taiwanese-Filipino.
“Karangalan ko pa rin na ipakilala sa buong Taiwan ang probinsya ng Palawan. Ito po ang dinala ko dahil taga Palawan ako, at hindi man ako pinalad pero nakakatuwang sa pamamagitan ng representation ko sa event na ito ay naging bukambibig nila ang Palawan,” sabi niya noong Nobyembre 24.
“Salamat din sa family ko sa Palawan na buo ang suporta sa akin, sa mga kaibigan ko sa Brooke’s Point, at sa mga naging coach ko dito sa event na ito. Alam ko first step pa lang ito, pero next time try na nating mas maging prepared,” dagdag niya.
Aminado si Anthony na nagkaroon siya ng pagkukulang sa kaniyang sarili para sa paghahanda sa kompetisyon dahil mayroong restrictions ang kaniyang pinagtatrabauhan at loaded siya sa oras ng trabaho.
“Nagpaalam naman po ako sa company na sasali ako at nag-send ako ng letter sa kanila, pero alam ko kulang pa ang training sa male pageant ko, susubukan kong sumali uli sa susunod na taon,” dagdag niya.
Samantala, itinanghal na Ginoong Taiwan 2021 si Neil Oswold Ambrosio, isa ring OFW sa Taiwan na mula sa probinsya ng Isabela.
Ginanap ang Ginoong Taiwan 2021 sa Amazing Hall, North Hsinchu City, Taiwan.
