File photo courtesy of WESCOM.
File photo courtesy of WESCOM.

Inihayag ni Western Command (WESCOM) Vice Admiral Rene V. Medina ang pagsasagawa ng Palawan Security Summit sa susunod na mga linggo.

Matapos mabuo ang Palawan Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) ay napapanahon na upang isagawa ang ‘security summit’ ayon kay Medina.

Ani Medina, makikipag-ugayan siya sa Local Task Force-ELCAC upang ilatag ang mga programa sa gaganaping security summit.

Layon din aniya ng summit na talakayin at ipaalam o ipakita sa mamamayan ang mga sektor na nagagamit ng mga makakaliwang grupo sa kanilang armadong pakikibaka, sapagkat maaaring hindi aniya alam ng mga sektor na ito na napapasok na sila ng kabila (makakaliwang grupo).

Ang mga bayan ng Taytay at Coron maging ang Puerto Princesa ay nakasama sa listahan ng WESCOM bilang mga lugar na nasa ‘white area’ o mga lugar na may mga organisadong grupo kung saan dito nagmumula ang suporta ng mga makakaliwang grupo na nasa ‘red area’ o itong mga nagsasagawa ng armadong pakikibaka.

“Ang security status sa Palawan ay iba kumpara sa ibang bahagi ng bansa. Hindi ito kagaya ng sa ibang bahagi ng southern Luzon, mostly, dito sa Palawan ang interes ng CTG dito ay more on financing, rest and recreation kasama na ang extortion”, pahayag pa ni ComWesCom Medina.

“There are many sector in Puerto Princesa na binabantayan natin isa dito ‘yong student sector, isa lang yan at marami pang sector na talagang alam namin na pinapasukan na nila (makakaliwang grupo), so binabantayan talaga ito dahil alam namin kung paano talaga sila nakikiusap sa mga ito’, dagdag pa ni ComWesCom Medina.

Sa press conference kamakailan sinabi naman ni Atty. Jose Teodoro S. Matta, Provincial Legal Officer at representante ni Gov. Jose Ch. Alvarez sa PTF-ELCAC na ang kalagayang pangseguridad ng lalawigan ay hindi lamang obligasyon ng mga military kundi maging ng lahat ng mamamayan. (Orlan C. Jabagat/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Previous articleRomblon field workers undergo L3 training for household assessment
Next articleMga barangay officials sa Calapan, dumalo sa anti-illegal recruitment seminar