Jul 8, 2020

Palawan prov’l board member, nag-donate ng mid-year bonus sa SPPH

Iniabot niya ito noong April 21 kay Dr. Amabel Labor, provincial health officer 1 ng SPPH.

Photo courtesy of Matet Bayani.

BROOKE’S POINT, Palawan — Personal na iniabot ni board member Cesario Benedito ang kanyang mid-year bonus na nagkakahalaga ng P121,000 para makatulong sa paglaban sa COVID-19 ng Southern Palawan Provincial Hospital (SPPH) sa bayan na ito.

Iniabot niya ito noong April 21 kay Dr. Amabel Labor, provincial health officer 1 ng SPPH.

Sa panayam ng Palawan News kay Benedito, sinabi nito na ang kanyang donasyon ay dulot ng pangakong kanyang binitawan noong April 7 sa regular na session ng provincial board.

Aniya, bagama’t sa buwan pa ng Hunyo dapat matatanggap ang mid-year bonus ay ginawaan niya ito ng paraan upang maagang mapakinabangan ng SPPH para labanan ang COVID-19.

“Naging commitment ko kasi ito noong April 7 sa aming regular session at nakapangako ako na ibibigay ko ngayong buwan kaya ginawaan ko na agad ng paraan,” pahayag niya.

Bilang board member ng 2nd District ay iniisip niya na ang pangunahing mabe-benepisyuhan nito ay ang mga mamamayan sa timog Palawan, partikular na ang bayan ng Brooke’s Point.

Kusa ring magbibigay si Dr. Labor ng mga resibo ng mga mabibili nitong kagamitan upang magkaroon ng transparency sa mapupuntahan ng pera.

“Si Dr. Labor na din ang nagsabi na magbibjgay siya ng mga resibo ng mga mabibiling kagamitan para magkaroon ng transparency,” sabi ni Benedito.

Samantala, bagamat zero case sa COVID-19 ang Palawan ay pinag-iingat naman ni Benedito ang mga mamayan. Sinabi niya na patuloy sanang sundin ng mga residente ang alituntunin ng pamahalaan dahil hindi nakikita ang COVID virus at wala pang vaccine na nadidiskubre para gamutin ito.

“Patuloy lang na sundin ang pamahalaan dahil wala pang vaccine kontra COVID. Manatili tayo sa ating mga bahay at sundin ang mga patakaran sa social distancing,” sabi nito.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry