Nagpapatuloy ang pagbibigay suporta ng Palawan Police Provincial Office (PPPO) sa Samahan ng mga Katutubong Pala’wan at Ken-ey sa Barangay Mainit sa bayan ng Brooke’s Point upang patatagin ang kanilang relasyon sa mga miyembro nito at makatulong na mabawasan ang kanilang nararanasang kahirapan.
Kailan lang ay una nang nabigyan ng 112 na alagaing pato ang grupo na sinuportahan din ng pagkain. Tinutulungan din ang mga katutubo sa pagtatanim ng mais sa isang ektaryang lupain, kamoteng kahoy sa dalawang ektarya, at pagtatanim din ng kamoteng baging.
“Itong samahan nila may mga opisyales ito na sila ang namamahala ng buong samahan. Sa bawat kikitain nila ay paiikutin yun at ibabahagi sa lahat ng miyembro ng patas,” pahayag ni Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS) chief of P/Lt. Mark Sigue na isa sa nagmomonitor sa nasabing proyekto.
Matatandaan na kamuntik ng magka-problema ang relasyon ng pulisya sa samahan dahil sa hindi pagkakaunawaan sa presentasyon sa kanila noong Marso 10 sa Brooke’s Point bilang diumano ay mga sumukong rebelde.
Naniniwala sila na unang nagkaroon ng takot ang mga katutubo sa mga pulis dahil sa kawalan ng interaksyon sa kanila.
Ayon kay Sigue, ang ganitong proyekto ng PPPO ay isang magandang paraan para maging matibay ang pakikipagkaibigan ng mga pulis at katutubo na makakatulong para makabuo ng tiwala sa kanilang hanay.
“Ang mga katutubo natin nasa bundok lang yan, bibihira lang yan kung bumaba ng bayan, kaya hindi nila tayo nakikita ng madalas at nakakasalamuha. Kaya ang alam nila tungkol sa atin ay ang mga bagay na itinatanim lang ng mga napapadaang mga makakaliwang grupo sa kanila. Kaya ngayon, kami ang pumupunta sa kanila, magiging katuwang nila para kahit papaano ay magkaroon sila ng karagdagang mapagkakakitaan,” dagdag pa ni Sigue.
Samantala nabuo ang nasabing proyekto sa inisyatibo ng kasalukuyang provincial police director na si P/Col. Frederick Obar sa tulong ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan.
