Isang Palawan hornbill o talusi (Anthracoceros marchei) ang isinurender ng isang residente ng Barangay Calasaguen, Brooke’s Point sa Palawan Council for Sustainable Development-Wildlife Traffic Management Office (PCSD-WTMO) ng nasabing bayan noong araw ng Sabado, Pebrero 12.
Ang talusi ay may timbang na 1/4 kilogram at nasa maayos na kalagayan nang i-turnover sa PCSD-WTMO.
Ayon kay Johnpaul Bañas, sinaulian niya ito ng kaniyang alagang manok sa isang residente rin sa kanilang lugar na nag-aalaga nito noong araw ng Lunes, Pebrero 7.
Dagdag niya, malusog at nasa maayos na kalagayan naman ang nasabing ibon at nais niya itong ibigay sa ahensya ng gobyerno na nangangalaga sa mga hayop at ibon.
“Matagal na sa kaniya, kaya sabi ko palitan ko na lang sa kaniya, dahil gusto ko itong maibalik sa gubat at maging malaya siya upang makahanap pa ng kasama at dumami,” pahayag ni Bañas, Pebrero 13
“Kahapon inutusan ko ang kapatid ko na-iturnover ito sa PCSD-WTMO sa Brooke’s Point at nakita naman nila healthy ang ibon. Nakakatuwa na naibabalik sila sa kanilang natural na tahanan kung saan puwede silang mabuhay,” aniya.
Samantala, ikinatuwa naman ng PCSD ang pagsurender ng ganitong mga klaseng ibon sa kanilang tanggapan. Ang talusi ay isang endemic bird sa Pilipinas at matatagpuan lamang sa lalawigan ng Palawan. Ito ay itinuturing na endangered at vulnerable dahil sa patuloy na pagbaba ng bilang nito dulot ng patuloy na iligal na panghuhuli nito.
Ayon kay Jovic Fabello, tagapagsalita ng PCSDS, patuloy ang paghikayat ng kanilang opisina sa mga mamamayan na ibalik sa kalikasan o sa gubat ang mga mga ito at iba pang kahalintulad na hayop na maaari nilang ma-rescue, o kaya ay makipag-ugnayan sa Department of Environment and Natural Resources o sa kanilang WTMO sa mga munisipyo.
