Nakamit ng Palawan Dance Ensemble ng provincial government ng Palawan ang first runner up award sa isinagawang Sayaw Pinoy Cultural Dance Competition na bahagi ng 30th Philippine Travel Agencies Association-Travel Tour Expo (TTE) 2023 na ginaganap ngayong Pebrero 3-5 sa SMX Convention Center, Pasay City.

Ang dance competition ay isa lamang sa mga tampok na aktibidad sa tatlong araw na travel and tour expo ngayong taon na may temang “A better and stronger future of travel is HERE,” na nilalahukan din ng Provincial Tourism Promotions and Development Office (PTPDO).

Suot ang makukulay na costume, nagpakitang gilas sa pagsayaw ang pitong grupo mula sa iba’t ibang rehiyon at mga pamantasan sa bansa na lumahok sa kompetisyon kabilang ang Palawan Dance Ensemble na kinatawan ng MIMAROPA.

Itinanghal na grand champion ang National Capital Region at nakuha naman ng Region 9 ang Second Runner up, Third Runner up ang Region 5, at Fourth Runner up naman ang Region 2, samantalang tumanggap naman ng consolation prize ang grupo mula sa Jose Rizal University at Philippine Women’s University.

Tinanggap ni DOT MIMAROPA Regional Director Azucena C. Pallugna kasama si Chief-of-Staff at Culture and Arts Program Manager Ceasar Sammy Magbanua ang tropeo at pinagkalooban naman ng medalya ang bawat mananayaw ng grupo.

Ang Palawan Dance Ensemble ay grupo ng mga mananayaw ng Culture and Arts Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.

About Post Author

Previous articlePNP MIMAROPA lauded for maintaining top 3 safest region status
Next articlePALECO to connect Taytay town to main grid