‘Pakisuyo System’ ipinatutupad sa critical zone sa Busuanga

Inihayag ni Busuanga Mayor Elizabeth Cervantes sa Laging Handa: Network Briefing kaninang umaga kung saan nakapanayam ito ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary JV Arcena na ipinatutupad ngayon sa islang Barangay ng Maglalambay ang 'pakisuyo system'habang nasa critical zone o localized lockdown ito. (Screenshot mula sa Network Briefing Program)

Ipinatutupad ngayon sa Bayan ng Busuanga ang ‘pakisuyo system’, partikular sa islang barangay ng Maglalambay habang nasa critical zone o localized lockdown ito.

Ito ang inihayag ni Busuanga Mayor Elizabeth Cervantes sa Laging Handa: Network Briefing noong umaga ng Abril 13 kung saan nakapanayam ito ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary JV Arcena.

Ayon kay Mayor Cervantes, isinailalim sa localized lockdown ang nasabing barangay sa Abril 2-17 dahil sa pagkakaroon nito ng lokal na transmisyon ng COVID-19 kung saan siyam ang naitalang confirmed COVID-19 positive at apat naman ang nagpositibo sa antigen test.

Ani Mayor Cervantes, napakalayo ng Bgy. Maglalambay sa poblacion ng munisipyo at isang oras ang biyahe nito sa pamamagitan ng sasakyang pandagat kung kaya’t nabuo ang sistemang pakisuyo upang hindi mahirapan ang mga residente ng nasabing barangay na makabili ng kanilang pangangailangan sa pang-araw-araw.

Halimbawa ng ‘pakisuyo system’ ay kung ang isang residente ng nasabing barangay ay may mga kamag-anak o kaibigan sa poblacion, maaari nitong pakisuyuan na bumili at ipadala ang kanilang mga pangangailangan sa mga taong pinapayagan ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) na makapunta critical zone.

May itinakda namang oras at araw ang MIATF para dalhin ang mga essential goods na ipinakisuyo ng mga residente ng Brgy. Maglalambay. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry