Umani ng reklamo mula sa mga residente ng Taytay ang pagtaas ng pamasahe sa tricycle mula sa P10 hanggang P20 matapos pirmahan ni Mayor Romy Salvame ang ordinansa na nagtatakda nito sa panahon ng general community quarantine (GCQ).

Ang pagtaas ng pamasahe ay nakasaad sa Municipal Ordinance No. 375 o ang “Special Fare Matrix for Tricycles.

Ang itinakdang pamasahe ay kinumpirma ni municipal councilor Quelamae Catedral, ang chairman ng committee on transportation ng naturang bayan.

Ayon kay Catedral, ang pagtaas ay kalahating porsyento ng dating pamasahe para sa pasahero. Mas pabor ito aniya lalo na sa mga pasahero na pupunta sa malalayong lugar dahil makakatipid sila.

“Sa totoo lang, ito ‘yong nakikita nating win-win solusyon sa sitwasyon natin ngayon kung saan kailangan lang natin mag-unawaan. Dahilan sa tig-isang pasahero lang din pa ang pinayagan sa ngayon na puwedeng isakay nila para naman hindi rin sila malulugi sa kanilang biyahe,” sabi ni Catedral.

“Bagama’t medyo mataas ito sa dating pamasahe, mas makakatipid naman ang iba na nasa malalayong lugar kung saan dati ang one-way ay nagkakahalaga ng P150 pero ngayon, round trip pamasahe na nila ito. Mas mainam na din itong may inaprubahang ordinansa o pinaghahawakang dokumento tungkol dito upang may maging basehan ang ating mga tricycles sa kanilang hinihinging pamasahe,” dagdag niya.

Ayon naman kay Reynes Evio, ang bise presidente ng Taytay Tricycle Operators and Drivers Association o TayTODA, totoong nagulat din ang mga residente ng kanilang bayan sa pagtaas ng pamasahe.

Inamin niya na sila ang nagpadala ng sulat sa transportation committee ng Sangguniang Bayan ng Taytay para magkaroon ng special fare matrix ngayong panahon ng general community quarantine.

“Kami talaga ang nagpadala ng sulat sa komitiba ng transportasyon upang magkaroon ng special fare matrix para sa mga tricycles nang sa ganoon ay may basehan kami. Hinihingi lang din po namin ang kanilang pang-unawa at konsiderasyon lang sa panahon ng COVID-19,” pahayag ni Evio.

“Binabalanse lamang po namin ang bawat panig, sana maunawaan din po nila kami. Kung nabigatan po sila, kami din ay nabibigatan din dahilan iisa lang ang aming puwedeng ma-pick up na pasahero sa ngayon base sa kautusan ng DOTr (Department of Transportation,” ani Evio.

Dagdag pa ni Evio, pag-aaralan pa rin TayTODA ang paghiling sa lokal na mga opisyal ng bayan na payagan silang magpasakay ng dalawang pasahero sa iisang byahe nila at maibalik ang pamasahe sa dating P10 lamang bawat pasahero.

About Post Author

Previous articleCockatoo hatchlings banded in the midst of COVID-19
Next articleSitel pushes for people development programs during COVID-1