Muling nagpasa ng isang resolusyon ang Sangguniang Panlunsod ng Puerto Princesa noong Agosto 9, para mapayagan na ang  pagpapatitulo ng lupa.

Ito ay ang Resolution No. 244-2021 na may titulong “A resolution reiterating the request to His Excellency, President Rodrigo Roa Duterte, through the  Department of Environment and  Natural Resources (DENR) Secretary Honorable Roy A. Cimatu, to lift the suspension on issuance of survey authority, conduct and approval of survey of untitled alienable and disposal lands, and acceptance and processing land applications in the City of Puerto Princesa”, na iniakda ni City Councilor Peter Q. Maristela.

Sa panayam ng PIA-Palawan kay Konsehal Maristela, sinabi niya na maraming residente ang siyudad na nais mapatituluhan ang kanilang mga lupa pero hindi ito magawa kaya hindi nila mapaunlad ng husto ang kanilang mga lupain.  Ito ang siyang naging dahilan para sila ay muling humiling sa DENR.

“Sa mga committee meetings noong  nakaraan, ang DENR-City Environment and Natural Resources Office (CENRO) na mismo ang nagsasabi na i-lift na ang suspension kasi marami na talagang napi-pending na aplikasyon ng lupa”, saad pa ni Maristela.

- Advertisement -

Aniya pa, sa pangyayaring ito ay malaki na ang nalulugi sa pamahalaan sapagkat hindi nanaisin ng mga mamumuhunan na bumili ng lupa para linangin ang lupang wala pang titulo at mayroon rin aniyang  patakaran ngayon ang City Assesors Office na hindi binibigyan ng tax declaration ang mga lupang wala pang titulo kaya malaki ang mababawas sa kita ng siyudad sa Real Property Tax.

Hindi lamang aniya  ang  mga nasa rural barangays ang apektado dahil napagalaman niya na maging sa urban barangays ng lungsod ay marami ang residential at commercial lots ang wala pa ring titulo.

Matatandaang  nagpasa na noon ang Sangguniang Panlunsod ng kahalintulad na resolusyon pero walang tugon dito ang tanggapan ng DENR. Noong taong 2015, naglabas ng isang kautusan ang DENR at  ipinatupad ang ban sa pagpapatitulo ng mga lupain sa siyudad matapos na matuklasan ang mga problema sa usapin ng lupa. (PIA)

Previous articleSSS Advisory on branch servicing guidelines for various community quarantine classifications
Next articleStronger measures sought to save young girls from sexual assault, unwanted pregnancies