Isang pagpupulong ang isinagawa ng Provincial Inter-Agency Council on Anti-Trafficking, Violence Against Women and their Children and Anti-Child Pornography (PIACAT-VAWC-ACP) kahapon sa Victoriano J. Rodriguez Hall ng kapitolyo upang palawigin ang mga impormasyon na nakapaloob sa Anti-Violence Against Women and their Children Act.
Ito ay dinaluhan ng mga representante ng iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan at nagsilbi namang presiding officer si Atty. April Joy Rabang ng Provincial Legal Office (PLO).
Kabilang sa pangunahing tinalakay ay ang pag-apruba sa mga pinag-usapan sa nakalipas na pagpupulong, Trafficking in Persons o TIP Halfway House Activation ng iba’t-ibang mga komite at update sa mga programa ng Law Enforcement Agencies TIP cases/operation.
Isa sa mga prayoridad ngayong taon ay ang lalo pang pagpapalawig ng mga impormasyon na nakapaloob sa Anti-Violence Against Women and their Children Act, o Republic Act 9262, at iba pang mga batas para sa proteksyon ng mga kababaihan at kabataan. Bunsod ng hangaring ito ay binuo ang komite ng Information Education Communications na pangungunahan ng Provincial Information Office.
Napag-usapan din ang mga isasagawang hakbang laban sa illegal recruitment activities at cyber sex gayundin ang patuloy na monitoring sa mga iligal na ahensya na lumalaganap sa online.
Inaasahan naman na mas maraming mga aktibidad ang maisasakatuparan ngayong taon dahil nakatakda nang isagawa ang mga programang naantala nitong nakalipas na taon dahil sa mahigpit na health protocols na ipinatupad sanhi ng pandemya ng COVID-19.
