Hindi na puwedeng basta-basta maglagay ng billboards o signages sa ano mang lugar sa bayan ng Narra ng walang koordinasyon at kapahintulutan ng barangay na sumasakop sa mga ito.
Ito ay matapos aprubahan noong September 15 ng Sangguniang Bayan ng Narra ang ordinansa na iniakda ni Kgd. Cenon Garcia, ang chairman ng transportation committee, na naglalayong mabawasan ang mga billboard na maaaring maging dahilan ng mga aksidente sa daan.
Sabi ni Garcia, gusto lamang nilang maging ligtas ang mga daan para sa mga motorista. Nagiging dahilan din kasi ng aksidente ang mga billboard na sobrang laki at wala na sa tamang lugar.
“Nangyayari din kasi ito, may mga basta na lang naglalagay ng kanilang mga billboard sa mga daan na hindi nagpapaalam sa mga barangay natin. Ngayon iche-check na talaga ito para din ito sa safety ng lahat. May mga billboard minsan na sobrang laki na at wala sa tamang lugar — kung walang koordinasyon hindi papayagan yan at babaklasin,” sabi ni Garcia.
“Kung maglalagay sila there is proper coordination that should be done with the LGU or barangay para puwede na silang maglagay sa tamang lugar. Ang sino man na magtatayo na maaabutan at walang permiso ay may penalty yan,” dagdag niya.
Sa isinabatas na ordinansa, P1,000 ang multa para sa unang offense, P2,000 sa ikalawang paglabag at P2,500 sa ikatlo.