SAN FERNANDO, ROMBLON — Ang mga kawani ng Romblon Police Provincial Office ay bumisita sa mga katutubong nakatira sa Sitio Layag, Brgy. Taclobo bayan ng San Fernando, Romblon kamakailan upang maghatid ng tulong sa mga Indigenous People.

Bitbit ng mga kapulisan ang mga damit at pagkain sa kanilang pag-akyat sa kabundukan ng Sibuyan upang pasayahin ang mga katutubong Mangyan Taga-Bukid na naninirahan dito.

Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ni Police Lt. Col. Noel Tulud, kung saan inakyat nila ang bundok ng Mt. Guiting-guiting na may layong anim na kilometro mula sa national road para lamang maihatid ang food packs at mga damit na ipapamigay nila sa mga katutubo.

Kasabay ng pamamahagi ng mga damit at pagkain, nagkaroon rin ng libreng gupit sa buhok para sa mga katutubo, pamimigay ng libreng hygiene kits at nagkaroon din ng parlor games para sa mga bata.

Ayon kina G. Daniel Recto, Tribal Chieftain at Erwin Raras, Teacher In-Charge ng Layag Cultural Minority School, masaya silang nakarating ang mga kapulisan sa kanilang lugar at nakapagbigay ng tuwa at saya sa mga katutubong nakatira sa Sitio Layag.

Ang outreach program na ito ng Romblon PPO ay bahagi pa rin ng kanilang pagdiriwang ng 24th Police Community Relations Month ngayong taon na may temang “Sambayanan, Mahalagang Kaakibat ng Kapulisan sa Pagtataguyod ng Mapayapa at Maunlad na Sambayanan”.  (PJF/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

About Post Author

Previous articleMga estudyante sa Romblon Nat’l HS sumailalim sa CPR Training
Next articleBuntis Congress, ginanap sa San Agustin, Romblon