Paiigtingin ng mga law enforcement unit sa Palawan ang kanilang pagbabantay sa mga lugar na dadagsain ng publiko ngayong darating na Undas 2022.

Ayon sa mga pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) District Palawan, Palawan Provincial Police Office (PPO), at 2nd Special Operations Unit-Maritime Group (2nd SOU-MG), mas magiging mahigpit ang kanilang gagawing pagbabantay sa mga daungan, terminal, at iba pang pampublikong lugar simula bukas, October 28, hanggang November 4.

Sa pahayag ni Commodore Rommel Supangan, commander ng Coast Guard District Palawan (CGDPal), ilan sa mga inaasahan nilang dadagsain ay ang mga daungan ng Puerto Princesa, Coron, El Nido, at Balabac kung saan marami sa ating mga kababayan ang sasamantalahin ang pagkakataon na makauwi sa kanilang mga lugar matapos ang matagal na panahon na hindi nakauwi ang marami dahil sa pandemic.

Inaasahan din ang pagdagsa ng mga bakasyonista, lalo pa at pasok ang Undas sa idineklarang long-weekend ng gobyerno.

“Dito sa atin sa Puerto Princesa, dito ang bulto dahil sa mga malalaking barko, pero sa mga bangkang pampasahero, dito ang El Nido na patawid ng Coron, Linapacan. Sa southern part, ang Buliluyan at Brooke’s Point may mga pasahero diyan na tumatawid ng Mapun (Tawi Tawi), papuntang Balabac at dediretso ng Mangsee, ito ang mga tinitungnan natin na dagsa ang pasahero,” ayon kay Sapungan.

Maliban sa babantayang mga daungan, magiging alerto din ang mga barko ng PCG sa iba’t ibang lugar sa lalawigan sa mga posibleng maging problema ng mga manlalayag sa karagatan, ayon pa sa kanya.

Naka standby ang mga barko, at may nakaabang sa Buliluyan sa bayan ng Bataraza. Ito ay ang BRP Malapascua (MRRV 4403). Sa southern part ng Puerto Princesa, nakaabang naman ang BRP Malabrigo (MRRV 4402), at ang BRP Kalanggaman (FPB 2404) na paalis naman papunta sa area ng Tubbataha hanggang sa Cuyo area.

“Iyan ang magbabantay sa eastern part, and sa West Coast, ang BRP Teresa Magbanua, at sa Norte sa El Nido, mayroon tayong mga excalibur, ito ang titingin sa mga tourists, kasama na ang Coron. Sa Honda Bay, maroon tayong mga rubber boats, at Underground River. May mga naka standby tayong Special Operations Group (SOG) or emergency response na pwede nating ideploy agad,” dagdag niya.

Ayon pa kay Supanga, nasa 750 na mga tauhan ng PCG sa buong lalawigan ang handang umagapay sa mga nangangailangan ng tulong ngayong Undas.

Makakakatuwang naman ng PCG sa pagbabantay ng mga karagatan at mga bumibiyahe ang 2nd SOU-MG. Ayon sa pamunuan nito, ilan sa kanilang babantayang lugar ay ang Honda Bay Wharf sa Puerto Princesa, mga daungan sa Balabac, Bataraza, Coron, Quezon, at Narra.

Maglalagay din sila ng mga assistance hub sa mga nasabing lugar kung saan sila madaling malapitan at makakapagbigay tulong sa publiko.

Samantala, kaligtasan naman ng mga bibiyahe sa kalsada ang tututukan ng PPO.

Ayon sa tagapagsalita nito na si Maj. Ric Ramos, makakatuwang nila ang kani-kanilang mga force multipliers para masiguro na magiging maayos ang sitwasyon ng mga kalsada sa buong pagdiriwang ng Undas.

“Para po sa Undas, inaasahan po na marami ang uuwi sa kanilang mga munisipyo, magkakaroon po ng mga road safety marshals para po pagsasaayos ng mga pangunahing kalsada kasama po ng ating mga force multipliers,” pahayag ni Ramos.

Ayon pa sa PPO, nagpakalat na rin sila ng mga tauhan na tutulong sa pagpapanatili ng kaayusan sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan. Nagbigay din ito ng ilang mga paalala sa publiko.

“Magkakaroon po ng mga PADS o Police Assistance Desks para naman po may malapitan ang ating mga kababayan kung sila po ay may mga concerns. As early as now, mas maigi po na maglinis na ng mga nitso, at panatilihin po ang pagsusuot ng mask dahil tayo po ay nasa pandemya pa,” dagdag nito.

Previous articlePLDT expands fiber connectivity in Palawan, fostering digital inclusion
Next articlePuerto Princesa records 14 dengue deaths, sets up ‘fast lane’ to address situation
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.