Pansamantalang itinigil ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang isinasagawang search and retrieval operation para sa tatlong indibidwal na nawawala pa rin sa ilog sa Barangay Batang-Batang sa bayan ng Narra dahil hinihintay pa ang ilang “resources” na makakatulong sa paghahanap.

Ang tatlong indibidwal na miyembro ng pamilyang Remonsada ay kabilang sa nawala matapos na maanod ng baha dahil sa matinding pagbuhos ng ulan sa gitna ng pananalasa ng bagyong Maring at hanging habagat nitong nagdaang linggo.

Ayon kay Raymond dela Rosa, hepe ng Narra MDRRMO, nag-desisyon sila na pansamantalang suspendehin ang operasyon  kasama ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at opsiyales ng barangay habang hinihintay ang ni-request nilang karagdagang kagamitan mula sa Maynila.

“Suspended muna, kasi nag-request pa tayo ng mga additional resources na makakatulong para sa paghahanap. ‘Yun yung mga cadaver dogs or SAR dogs from Manila pa, at idadaan pa natin yun sa province bago dalhin dito,” pahayag ni Dela Rosa.

- Advertisement -

Kaugnay nito, habang pansamantalang suspendido ang operation, nanawagan din ang MDRRMO sa mga residente na agad mag-report sa kanilang tanggapan kapag may namataang katawan ng tao sa sa paligid. Patuloy pa rin sila sa pakikipag ugnayan sa barangay maging sa mga kaanak ng mga biktima para humihingi ng pang-unawa, at nangakong ipagpapatuloy ang paghahanap sa tatlo pang nawawala.

Matatandaan na limang miyembro ng pamilyang Remonsada ang ang natangay ng  baha noong kasagsagan ng bagyong Maring kung saan, dalawa sa mga ito ang nauna nang natagpuan habang tatlo pa ang Nawawala.

Sa ngayon ay hindi pa masabi ng MDRRMO kung kalian posibleng muling ipagpatuloy ang paghahanap na naka-depende pa rin sa pagdating ng mga hiniling ng karagdagang resources, na kanilang ni-request.

Previous articleIsyu sa WPS at usapin sa COVID-19, tututukan ni presidential candidate Leysander Ordenes
Next articleDuterte signs LPG Industry Regulation Act
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.