Muling nagtala ng mataas na bilang ng positive COVID-19 cases ang bayan ng El Nido nitong araw ng Martes, Mayo 25.
Sa huling tala ng Municipal Health Office ng El Nido, may kabuuang 82 ang bagong kaso kung saan, 26 dito ang RT-PCR positive at 56 naman ang RAT reactive.

Naitala rin ng bayan ang unang kaso ng pagkamatay sa araw na ito. Wala namang ibinigay na karagdagang detalye ang MHO dito.
Ang pagtaas ng bilang ng kaso ay matapos na maglabas ng kautusan ang Department of Health (DOH) kung saan, ang reactive Rapid Antigen Test (RAT) result ay kasama nang ibibilang na confirmed COIVD-19 case.
Nangungunang may mataas na kaso ang Barangay Bucana na may 21 aktibong kaso at sinusundan ng Masagana na may 18, Bebeladan na may 12, at Buena Suerte 11.
Ang Brgy. Pasadeña ay nagtala naman ng apat, habang tagtatatlo ang Corong-Corong, Manlag, at Villa Libertad. Dalawa sa Maligaya at tag-iisa naman ang Barotoan, Tenegueban, New Ibajay, at Mabini.
“Lahat ng naging reactive sa RAT ay agad na ipapasok sa confirmed cases, nguit ilalagay parin kung ilan ang nag-positive sa magkaibang testing method. Ito ay upang masigurong masusundan ng mga mamamayan ang pag-angat ng kaso ng COVID-19 kahit mag-iba ang format na gagamitin sa reporting,” paliwanag ng MHO.
“Sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Bayan ng EL Nido, patuloy na pinag-iingat ang lahat kapag lalabas ng tahanan. Laging sundin ang minimum health standards sa lahat ng oras at iwasan na munang lumabas ng bahay kung hindi rin lang kailangan. Ugaliin sundin ang tamang paggamit ng face mask at face shield, at tama at palagiang pag-hugas ng kamay,” muling paalala ng MHO.
