GASAN, Marinduque – Muling isinagawa ang Zine Tour hapon ng Abril 19 sa Marinduque State College Gasan kasama pa rin ang Sentro ng Wika at Kultura at sa pangunguna ng Island Innovation Ambassador na si Dr. Randy T. Nobleza.

Ito ang ikatlong serye ng poetry zine na “Ayon kay Kid Talaba” na inilathala ng awtor na si May Morales-Dolis. Ang MSC College of Fisheries and Aquatic Sciences ay nakiisa sa nasabing programa.

Sa pagsisimula ng programa at talakayan, nagpahayag ng kaniya-kaniyang talumpati at pasasalamat ang mga guro na nakilahok sa pagdiriwang ng buwan ng wika at panitikan sa iba’t-ibang pamantasan. Ipinahayag nila ang importansiya ng panitikan sa pakikipagtalastasan ito’y upang maunawaan ang saloobin ng bawat panig, Datapuwa’t naibabahagi rin nito ang kaalaman at aral na mula pa sa ating mga ninuno.

Sa pagpapatuloy ng programa, inilahad ng awtor ang kwento nang inspirasyon sa kung paano nabuo ang akdang “Ayon kay Kid Talaba”. Layunin ng may akda na magbalik-tanaw ang mga mamamayan sa trahedyang nangyari noon, at maging inspirasyon at aral para sa nakararami lalo na ang mga kabataan, na pangalagaan ang lalawigan.

Tinalakay din ng tagapagasalita na si Morales-Dolis ang kahalagahan ng pagsulat at manunulat. Binigyan diin rin niya na ang pagsulat ay isang mahalagang sangkap at paraan ng pakikipagugnayan, pakikipagkomunikasyon at pakikipagtalastasan sa pamamagitan ng pagsulat samantalang ang manunulat ay pundasyon ng mga ideya.

Lingid sa kaalaman ng iba, si Morales-Dolis ang isa sa kauna-unahang manunulat na babae sa probinsiya ng Marinduque at hamon niya na mas dumami pa ang mga manunulat na babae at paigtingin ang kanilang kahalagahan sa lipunan sa pamamagitan ng mga matatalas na salitang iminamarka sa puso’t isipan ng mga mambabasa at tagapakinig.

Sa pagtatapos ng programa, nagpahayag din ng talumpati at pasasalamat si Dr. Nobleza sa mga dumalo at sumuporta sa pagdiriwang ng buwan ng wika at panitikan.

Aniya “Mukhang malaki ang pagsubok natin (dulot) ng social media, mas binibigyan pansin ngayon ang dami ng likes, followers sa Tiktok at Facebook, kaysa sa mga tula o panitikan na ang dating sa kanila ay boring, lalo na sa mga kabataan. Iminungkahi niya na malaking bagay na pinapaunlad natin ang ating sariling wika at panitikan sapagkat ito ang pinakamabisang sandata upang mas mapaunlad pa ang ating kultura”.

About Post Author

Previous articlePassenger left stranded in Palawan after world cruise ship departs without him
Next articleRizal town acquires vehicle for information campaigns