Hinihikayat ng tanggapan ng Ingat-Yaman ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang lahat ng mga indibidwal na nagmamay-ari ng mga real property o ari-ariang di natitinag sa lalawigan na magbayad ng maaga o ayon sa itinakdang panahon ng kaukulang buwis o amilyar para sa taong 2023 upang makakuha ng diskwento at makaiwas sa multa.
Ang amilyar ay ang buwis na ipinapatong sa mga ari-ariang di natitinag gaya ng lupa, bahay, gusali at mga makinarya kung saan ito ay binubuo ng 1% Basic Tax at 1% Special Education Fund (S.E.F.).
Upang makakuha ng 10% diskwento sa pagbabayad ng kabuuang buwis, kinakailangan na mabayaran ito bago o hanggang sa mismong araw ng Marso 31, 2022.
Sa mga nagnanais naman na magbayad quarterly, maaaring magbayad sa mga sumusunod na iskedyul:
- 1st Quarter – January 1 to March 31, 2023
- 2nd Quarter – April 1 to June 30, 2023
- 3rd Quarter – July 1 to September 30, 2023
- 4th Quarter – October 1 to December 31, 2023

Para sa mga magbabayad ng amilyar, kinakailangang dalhin ang nakaraang taong resibo, computation mula sa Municipal Treasurer’s Office o Tax Clearance.
Sa mga hindi naman makakapagbayad sa itinakdang oras na may diskwento, mayroong 2% na multa sa bawat buwan o hindi lalampas ng 36 na buwan o 72% ayon sa Sec. 76 ng Provincial Tax Code.
Ayon sa tanggapan ng Ingat-Yaman ng lalawigan, mandato ng isang lokal na pamahalaan na mangolekta ng Real Property Tax o buwis para sa mga ari-ariang di natitinag. Obligasyon naman ng mga mamamayan na magbayad ng buwis sa itinakdang panahon. Sa pamamagitan ng buwis na nakokolekta ay naipatutupad ang iba’t-ibang proyekto at serbisyo ng pamahalaan.
Para sa iba pang katanungan o impormasyong nais malaman, maaaring tumungo sa mga tanggapan ng Ingat-Yaman sa mga munisipyo sa lalawigan o sa Provincial Treasurer’s Office sa gusaling kapitolyo.