SAN VICENTE, Palawan — Isinusulong ngayon ng Municipal Tourism Council (MTC) na maibalik ang Port Barton Marine Park Management Council (PBMPMC) upang maayos na mapangalagaan ang karagatan ng Barangay Port Barton bilang bahagi ng promosyon ng ecotourism sa bayang ito.
Ayon kay Lucylyn Panagsagan, ang municipal tourism officer ng San Vicente, layunin din ng muling pagtatatag ng konseho na magkaroon ng wastong pamamahala at paggamit ng marine park na pangunahing destinasyon para sa island hopping activities.
“’Yung Council na ito ay bubuohin, tutulungan natin ang Brgy. Port Barton na i-activate muli ang Port Barton Marine Park Management Council. Ang objective nito ay para maisulong ang pagprotekta at tamang paggamit ng Port Barton Marine Park,” paliwanag ni Panagsagan.
Dagdag niya, naaayon ang programang ito sa pagsusulong ng pamahalaang bayan ng sustainable at inklusibong pamamaraan ng pag-unlad. Sa pamamagitan ng programa ay maiiwasang masira ang likas na yaman ng karagatan para sa direktang kapakinabangan ng iba’t-ibang sektor tulad ng pangingisda at turismo.
“Hindi tayo basta-basta magde-develop na masisira rin naman ang ating natural resources. Laging nandoon yung value natin na i-utilize [itong marine park] pero with proper management,” aniya.
Magiging katuwang sa pagtataguyod ng proyekto ang Municipal Agriculture Office na siyang namamahala sa coastal resource management project ng San Vicente, katuwang ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) at Municipal Planning and Development Office (MPDO).
“By next week, there will be a preliminary meeting with the stakeholders in the local government of Port Barton to reintroduce the principle of this project and I’m very sure na yayakapin nila ito dahil they have been proposing this for so long,” pagbabahagi ni Panagsagan.
Ilan sa mga tinitingnang interbensyon ang pagtatalaga ng isang lugar lamang na pag-aangklahan ng mga bangka, pagpapatupad ng carrying capacity sa isang lugar at ang paglalagay ng mga bantay para sa monitoring ng mga aktibidad doon.
“May ginawa kaming carrying capacity assessment. Halimbawa sa sand bar doon, dapat may certain number of tourist lang. Kasi before, nagsasabay-sabay ang nasa 20 bangka sa isang area, that is too much already. So nao-overused ang ating resources doon,” ani Panagsagan.
“Mayroon din tayong iha-hire na Port Barton Marine Park Rangers to guard and to monitor activities regarding dito sa pagma-manage na ito at saka may apprehension din kung sakaling may makita silang paglabag or hindi magandang pinakita. So nag-allot din po tayo ng budget for that matter,” dagdag niya.
Malaki ang kontribusyon ng naturang marine park sa industriya ng turismo dahil paborito itong puntahan ng mga bisita para sa island hopping. Napapalibutan ito ng magagandang corals na patok din bilang diving sites.
